Showing posts with label filipino poetry. Show all posts
Showing posts with label filipino poetry. Show all posts

Saturday, December 06, 2008

obra

PAGHUHUKAY


Muling nakapagtago
sa isang kuweba
ang isang ligaw na hayop.

At ito ang huling tagpo:

Ginagalugad ng teleskopyo
ang maaring maabot ng tanaw.

Gumagawa ng plano ang tao
sa kung paano kikilos
at tatakbo papalayo
upang muling makapagtago
ang inaasam na bihag.

Wala na siyang bahag.
Wala na ring habag.

Ayon sa sinaunang kuwento,
higit na bumangis ang tao
simula nang matuklasan niya
ang bukal ng langis sa gitna ng disyerto.

Una kong titirahin ang ulo
at kakainin ang puso.

Sa loob ng kuweba, pumapasok
ang huling silahis ng liwanag.
Binibigyang hugis ang natitirang anyo:

ilang di mawaring guhit at titik
ang nakasulat sa dingding,
ilang basag-basag na banga
at bungo ng sinaunang tao.


disyembre 7, 2008
cervini hall, ateneo

Tuesday, November 25, 2008

obra



ISANG AWIT

Paano ba ipapakilala ang taong patuloy
na binubuo pa ng alaala—
ng kung ano ang maiiwan at iiwanan?

Sa kanya, ang bawat sandali ay pagpili.
Walang mga pasakalye. Tanging mga detalye
lamang katulad ng kung paano ko ginagawaran
ng tingin ang isang bakanteng upuan
o ang bukas na pintuan ng lumang simbahan.

Lagi’t laging may darating, may magtatangkang
umupo at makikipag-usap sa puso. May papasok
sa simbahan upang takasan marahil ang usok
ng mundo. At may maiiwan sa lahat ng ito.
Ito marahil ang dahilan ng lahat ng ating paghihintay.

Umaawit ngayon ang mga dahon ng pino
at ang hangin ay korong sumisipol
ng isang pamilyar na tono at may naiiwang
himig maging sa katahimikan ng aking pag-iisa.

Kristian S. Cordero

Friday, August 08, 2008

Monday, June 16, 2008




KASAYSAYAN


Makinig:
Sa dulo ay nagbabanta
ang isang bantas
na tinatawag na tuldok,
ang simula ng bawat kalansay
ng titik at guhit na siya ring pagtapos,
ng lahat—isang tahimik na unos,
bolang itim, mga bituin na pinagtatagpi-tagpi
ng ating mga alamat at paniniwala
na umaayon sa guhit ng ating mga palad
isang patak ng dilim na bumabalot
sa buong uniberso at buong puso ko
itong iaalay para sa’yo



Ganito.

Wednesday, March 26, 2008

tula



SANDALI
Kristian Sendon Cordero

Napilas mula sa isang punpon
ng mga ligaw na bulaklak
ang isang petalyo
at naligaw ito sa loob
ng aking silid.
Kulay natutuyong dilaw
ang dulo nito at may balahibo
sa gilid: maliliit na pakpak
na nakipagsandugo sa hangin.

Dumaan ito sa malamig na bintana
at nagsimulang mangusap,
kung paano nabigo ang isang manliligaw
sa kanyang sinusuyo—
kung paano isa-isa silang lumayo,
kumalas sa tangkay, nagpakamatay,
natuyo at yinakap ang isang
yapak ng sawing mangingibig.
Siya lamang daw ang nakaligtas.

Ginising ng ulilang petalyo
ang dingding at pinilit na sabihin
ang mga lihim nito,
sinumbatan ang sirang bisagra ng pinto
at namahinga sa silya na inusisa niya
kung paano pilit itong umaasa
sa pagbabalik ng isang halik
na gigising sa bawat sulok.

Walang pumansin sa petalyong
nabagot na lamang sa sariling kuwento.
Lumisan ito at nag-iwan ng ilang punpon
ng mga salitang natipon niya sa daan.
Binilin niya sa antigong mesa
na maaari ko itong gawing isang tula:
at magbabalik siyang isang
ganap at tahimik na bulaklak—
huling sambit ng pailing-iling
na makinilyang lasing.

Para Kay Eric Gamalinda
3/25/0

Monday, March 24, 2008





CARAMOAN


Nangangako ang gabi ng ilang inaasahang pagdating:
ang mga labi ng tag-araw. Mapandaya ang mga ulap—

hinayaan nitong sumilip ang sinag at humalo sa hangin
at dinala ang kanais-nais na balita ng pagtatapos, ng ilang panimula:
mga kalsadang muling bubuhayin at ang balong muling sisilaban

dahil bukal pala ito ng langis na matagal ng laman
ng ating mga panaginip na kailangan sa ating pana-panahong
pagniniig, at ngayon maging ang mga kulilig ay matamang

nakikinig sa kung ano ang mga sunod-sunod na halinghing,
ang buhol-buhol na ungol, ang munting ingay mula sa higaan

matapos patayin ang ilawan, matapos dumaan ang itim na ulap:
ilang pakpak ng uwak sa ating balikat.


3/24/08
Kristian S. Cordero

Tuesday, November 06, 2007

obra nueva



HULING KANSYON


Kung mamarapatin, nais ko
sanang magpakamatay sa harapan mo.

Hindi dahil sa umaasa akong pipigilin
mo ang pagkalabit ko ng gatilyo. Mauupo ka lamang.

Hindi ko hinihinging magsalita ka:
tanging isang saksi lamang ang aking hangad.

Batid kong mag-aalinlangan ka sa aking pakiusap,
subalit kailangang mong mabatid na tanging

ito lamang ang paraan ko upang sa dulo
ng lahat, makita ko kung paano lisanin ng liwanag

ang mundo sa aking mata. Mamamadaliin ko lamang
ang pagpapakamatay,walang mga huling pananambitan

o pagsisi sa kaninuman sapagkat tinitiyak kong wala
akong nararamdaman maliban sa nais na wakas

na kasama ka. Kung balak mong sumigaw ng saklolo,
mangyaring tiyakin mo lamang na tuluyan na akong

naglaho pati ang aking anino. Huwag mo akong hawakan.
Hindi ko nanaising mapaso ka ng malamig na katawan.

Kung pagbintangan kang ikaw ang kumalabit ng gatilyo,
ipakita mo ang ebidensyang ito. Dahan-dahang basahin ang laman.

Hindi ko ipinapangakong may darating na ulan o alanganing hangin
o mangangamoy kandila o ligaw na rosas sa pagbasa mo ng tula.

Sa loob ng kanilang mga bibig na magbubukas-sara
sa kanilang paghalakhak o sa mga tingin na mapaghinala,

sa gilid ng hindi pinapansin na salamin, doon mo ako muling tingnan
at iaabot ko sa’yo ang sunod mong hakbang na gagawin.


Kina Erick Lagdameo at Adrian Remodo,
sa mga kuwentong kanilang winakasan.

Thursday, August 16, 2007

rawitdawit 2


INMACULADA

Kailangang maniwala
na buong katawan at kaluluwa
siyang pumasok sa kaluwalhatian.
Hindi siya namatsahan ng kasalanan.

Ganito ang ganti ng Maykapal
sa birheng biglang nagkaanak
at inang inulila sa Kalbaryo.

Hindi nag-iiwan
ng ebidensya ang Diyos.


15 Agosto 2007

Tuesday, August 07, 2007

Bagong Tula


ALMUSAL
Kay Benilda Santos

Sa harap ko ngayon
ang isang kumpol na kanin.
Umuusok ito na parang bulkan—
amoy na amoy ang pandan.

Naaalala kita sa mga umagang
katulad nito, kung paano
pilit mong pinapaubos ang bawat butil
ng kanin sa pinggan.

Kung paano sa bawat pagsubo
naglilitanya ka tungkol sa mga batang
unti-unting kinakain ng bituka ang tiyan
at nagiging langis ang laway dahil sa gutom.

Ubusin ang kanin, lagi’t lagi mong sambit
na dasal habang ipinapakita ang mga daliring
papatigasin ng galit at pagkaubos ng pasensya
sa sandaling napapatulog ako sa panguya.

Ganito ang mangyayari sa mga daliri mo.
Mistulang mga patay na sanga ng akasya
at sabay mong ituturo ang mata ng mamang
nagliliyab pati ang puso upang talaban ako ng takot.

Huwag magtira kahit isang mumo
nang ‘di ka bisitahin ng mga mumu.
Ang taong nag-aaksaya—
sa purgatoryo ang punta.

Mapalad tayo, sabi mo.
Habang ikinukuwento ang mga nagsaka
pati ang kalabaw na tinamaan ng kidlat sa bukid
upang may maihain sa ating hapag.

Sa harapan ko ngayon, ang umuusok na kanin.
At pinagtatakhan ko pa rin hanggang ngayon
kung paano mo ipinagkasya ang bintang, parusa
at kasalanan ng mundo sa mga butil na aking isusubo.

Monday, July 23, 2007




KATIYAKAN

Sa harap ko ngayon ay ang kulay asul na langit
na maaaring kulay itim ngayon sa Maynila
dahil sa nagbabadyang bagyo.

At malamang pula ito sa ibang bahagi ng mundo na umuusok pa rin
ang huling bomba at ang yapak ng kombat ay nag-iiwan
ng parang kalansay ng isang suanoy na hayop.

Nakakatuwang isipin na ang katiyakan
sa akin ngayon ay mistulang mga ulap na lamang
na naghuhugis laruan, salamin, sugat o kaya’y mukha ng birhen—
malamang sabihing isa itong aparisyon at naghahangad
na ibaba ang tuwisyon sa kolehiyo.

Tiyak na mapapangiti tayo sa ganoong uri ng himala na hitik
sa bayang nakikita o nagpapakita ang banal sa takong ng sirang sapatos
sa kinakalawang na yero, sa sahig, sa isang tansan
at maging sa tubig ng isang inidoro sa isang bahay-aliwan.

Maaaring hindi ito sang-ayonan ng pilosopong santo—
itong kontradiksyon na nararanasan na sasabihin ko
sa’yong umuulan sa aking kanan, samantalang ang lupit
ng sikat ng araw sa kaliwa. Himala na nga ba itong matatawag?

Hindi man malinaw sa akin kung ano ang katiyakan—
Inaamin ko naman na tanging pananabik lamang ang katapat
na gamot sa sugat na dala ng pagbabago sa mundo.
Hinihintay ko pa rin ang paghahalo-halo
ng pitong kulay sa bahag-hari.

Kay Eduardo Calasanz

An retrato kua ni Murat Harmanlikli hali sa http://www.zonezero.com/

Wednesday, July 11, 2007


PURGATORYO


Pagkatapos palipasin ang dapat sanang pag-idlip
sumagi uli, silang mga patay sa isip,
na parang telang dumadampi sa isang hiwa ng alaala.
Kagaya nang naunang gabi, sinimulan kong isipin
ang kanilang pangalan,tinangkang bigkasin
ang kinasanayang pagtawag sa kanila na parang nasa kapit-bahay
lamang ang mga ito at hindi naaksidente
o kaya nama’y binangungot sa loob ng seminaryo.

Nagreresponsaryo ako nang may biglang kumatok.
Istranghero sa alanganin at maalinsangang oras.
Humihingi ng malamig na tubig.
Kung maaari lagyan ng tipak ng yelo.
Pinatuloy ko siya kagaya ng pagtanggap ko sa telegrama noon
na naglalaman ng maiksi at diretsong mensahe:
nahulog at pumaimbulog ang kanyang katawan sa dagat.

Oo.

Katawan lamang ang tingin ko sa bagay na iyon
na inuwi nilang nasa loob ng kahon.
Hindi iyon ang tatay.

Kinausap ko ang istranghero na nagsimulang lagukin ang tubig,
halos gawing baso ang pitsel. Natuwa ako sa pananabik niya
sa tubig kaya kinausap ko na siya tungkol sa mga patay na nalunod.
Ganito ang kanilang pangalan, kuwento, kamatayan,
anibersaryo, huling pamisa, habilin at saan sila nakalibing.

Sinabi niyang naiisip niya rin ang mga patay.
Hindi rin siya napapatulog
kaya nagsimula siyang mag-alaga ng isang aso
na noon ko lamang palang napansin na kasama niya.
Nasa tarangkahan ito. Kulay puti na parang balahibo ng manok.
Gusto ko sanang makikipagtitigan sa aso kaya lamang ay natakot ako
sa maaaring makita o magpakita sa mata nito. Parang itong lobo.

Inalok ako ng istranghero kung nais kong sumama sa kanya.
Maghahanap pa raw kami ng tahanang magbubukas
upang magpainum ng malamig na tubig. ‘Yong may maraming yelo.
Sumama ako at hindi na nagpalit ng damit.
Kinuha ko ang isang pirasong buhok na nahulog sa kama,
itinapon sa isang basurahan na tila may butas ng kawalang hanggan.
Dahan-dahan kong isinara ang pinto.
Nagsimulang tumahol ang aso.
An ladawan hale sa www.zonezero.com

Monday, May 28, 2007

DAHIL KAILANGAN


ANG DAHILAN KONG BAKIT NAG-AARAL AKONG MAGMANEHO

Ipagkakanulo ko ang mundo
kapalit ang tatlong tansan
ng alak na ininum natin kagabi
na maaaring pagtakhan mo uli.
Kung makikita mo lang sana
kung paano ko itinatago ang mga resibo
at mapa noong pumunta tayo sa hilaga.
Nagagawa ko pa ring ipagpaliban
ang pag-ihi sa mga umagang
nag-aagaw ang pagkamulat at pag-idlip
sa pag-aabang sa mga panaginip.
Lagi kong ipinapaalala
sa sarili ko na wala na akong sedula
pagdating sa ganitong pag-ibig
kagaya ng pagtanggap ko sa hangin
upang paliparin at sirain
ang mga pinakawalang saranggola.
At malamang ipapalagay mo
na talinhaga lamang ang mga ito
katulad nang minsang nakasakay tayo sa bus
at nabanggit ko na higanteng nakahiga
ang pagtingin ko sa mga bundok—
tiningnan mo lang ako
at sabay iniabot ang pamasahe natin
na pinagtatakhan ko pa rin kung bakit
napangiti ang konduktor.
Marahil dahil saktong-sakto lang
ang ibinigay mong pera.
Abala pa kasi ang mag-sukli.

Monday, May 21, 2007

bagong tula (new version)


(Magdalena, Lazarus, Martha)


MARTA
I.

Naalala niya ang huling pagdalaw ng maestro sa Betania—
kung paano kinuha ni Magdalena ang kanyang ‘tinagong pabango
at masuyong pinunasan ang paa ng bisita na parang pusang-tao
na nagpaparamdam ng gutom at matinding pangangailangan.

Labis na nasiyahan ang maestro sa ginawa ng nakakabatang kapatid.
Nakita niya ito. Nagdadabog siyang lumabas at hiningi sa maestro
ang tulong ng nakahandusay na kapatid.

Bakit ka nababahala? Higit na mainam ang ginawa ni Magdalena.
Hindi ninyo ako makakasama sa lahat ng araw.

II.

Kailangan ang isang piyesta sa muling pagkabuhay ng kapatid.
Kaya tumungo siya sa kusina at inihanda ang mga lutuin.
Inilagay niya rin ang mga pabango sa niluluto.

Sa hapag, walang gana nilang pinagsaluhan ang kanyang inihanda
na parang iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa kamatayan.


Mayo 21, 2007

Friday, May 18, 2007

AT DAHIL HINDI AKO MAPAKALI

SIRENA

Tumutunog ang kanilang mga sirena.

Bigyang daan ang ambulansya.
May nag-aagaw-buhay. Binaril.
Bigyang daan ang sasakyan ng mga pulis—
hinahabol ang salarin.
Bigyang daan ang mga bombero
may bombang sumabog at nasusunog
ang buong gusali.

Pansinin kung bakit sirena
ang tawag sa ganitong busina:
ito ang mga teorya.

Ganito ang pakiramdam ng isdang-tao
na inalis mula sa tubig. Awit ng nagdedeliryo.
Subalit paano ang mga nabinwit
wala silang huling naisasambit.

O kung papaniwalaan ang alamat—
maaaring ganito ang hudyat
ng mabangis na pugita
nang may mapangahas na nagnakaw
ng kabibe na magbigay paa
sa umibig na sirena.

Marahil ganito nangyari ang unang sakuna.

Tuesday, May 15, 2007

BAGONG TULA

HERODES

Hindi niya kinasanayan ang tumingala. Mistulang parating babagsak ang buong karimlan sa tuwing titingin siya sa kalawakan. May malas na hatid pa man din ang mga tala.

Nitong nakaraang mga araw ng taglamig ginagambala siya ng kanyang mga pantas tungkol sa pagdating ng Mesiyas.

Hindi kaya gusto lamang nilang nakawin ang kaharian? Marami na silang ipinapatay na propeta.
Nagkalaman ang kanyang pagdududa sa mga katiwala.

Mula sa balkonahe ng kanyang palasyo, sinubukan niya minsan na tingnan ang mga bituin—para itong salamin ng mga ilawan sa lupa. Naduwal siya na parang nagluluwal ng galit at ganid. Labis na nakakalula ang taas.

Nang makarating sa kanya ang balita na sa matandang bayan ng Bethlehem isinilang ang bagong hari, sinugo niya ang kanyang mga kawal at ipinag-utos ang pagpatay sa mga sanggol na hindi baba sa gulang na dalawa.

Habang humahagulhol ang isang bayan, maaga siyang naidlip upang hintayin ang kanyang panaginip. Sa loob-loob niya: labis na ikakalugod ng Diyos ang aking utos. Hindi ginto, mira o insenso kundi dugo ng sarili niyang anak ang nais niyang alay. Hindi ba’t ito ang nakatadhana.

Thursday, March 22, 2007

2la


ANIMA SOLA

Bumangga ang isang van
sa likuran ng sinusundang trak.

Basag ang salamin sa unahan.

Nagtipon-tipon ang tingin
ng mga pasahero sa front mirror:
nasugatan ang drayber.

Rumisponde kaagad ang mga miron
at nagkabuhol-buhol ang trapik.

May isang bus na walang laman
ang huminto ng saglit sa pinagyarihan ng aksidente,
naghihidaling sumakay ang mga pasahero.

Hindi na humingi ang kundoktor ng pamasahe.
Labis nila itong ikinatuwa.

Maaaring naawa sila sa atin.
Sabi ng isang manang na ipinagpatuloy
ang kanyang pagrorosaryo.

Makalampas ng isang bayan
pumara ang isang pasahero

subalit tila walang narinig ang drayber
na pinagpatuloy lamang ang kanyang pagsipol.

Nang dumating sila sa katapusan ng biyahe
parang isang punerarya ang terminal.


August 28, 2006



PINAPALIIT TAYO NG KAMATAYAN

Mind over machine—
'yan ang unang turo sa akin
nang mag-aral akong magmaneho
ng isang lumang pagong.

Kanina, gamit ang bagong sasakyan
nasagasaan ko ang isang aso
parehong mabilis ang aming takbo.

Hindi ako nakapreno
at baka sakaling ako pa ang maaksidente
para lang akong nakasagasa
ng isang malaki-laking bato sa kalsada.


MULI, SA SEMINARYO

Marahil dahil sa nagdaang bagyo
kung bakit parang nagliwanag ang seminaryo.

Baka sadyang marami lang talaga ang pinagbago
sa loob ng halos mag-aapat na taon.

Muli akong naupo sa harapan ng rebulto
sa may hardin, sunog ang mga dahon ng agoho.

Pakanluran na ang lipad ng mga pauwing ibon,
pasado ala-singko na ng hapon.

Huwag sana silang abutin ng dilim
sa mga sangang daan.

PINAGPALA

Dumapo ang isang ibon
sa ulo ng isang monghe.

Umipot.

Noon nagsimula na ituring
siyang isang santo.


PAGTAWID

Inisa-isa ng bata
ang dilaw na mga linya sa kalsada.
Dito dapat tumatawid ang tao.

Binibilang ng bata ang mga linya
dahil marunong na siyang bumilang.

Humaharurot ang takbo ng isang sasakyan.
Nasagi ang bata. Wasak ang ulo
at dumaloy ang itim-pulang dugo.

Mahigpit ang tiklop ng mga petalyo
ng mga putot na bulaklak ng hapong iyon.

MAG-INGAT SA MGA SANGGOL

Pinasok ng liwanag
ang mata ng sanggol:

Nandoon ang nanay.

MaaaaaaaMa
MaaaaaaaaaaaaaaaMa
Maaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaama

Nandoon ang tatay.

Paaaaaaaaapa
Paapa
Papa

Sa paningin ng sanggol
pagkain ang mga magulang
na nasa kanyang harapan.
-Ilang tula na kasama sa bago kong tinitipon na koleksyon.