SIRENA
Tumutunog ang kanilang mga sirena.
Bigyang daan ang ambulansya.
May nag-aagaw-buhay. Binaril.
Bigyang daan ang sasakyan ng mga pulis—
hinahabol ang salarin.
Bigyang daan ang mga bombero
may bombang sumabog at nasusunog
ang buong gusali.
Pansinin kung bakit sirena
ang tawag sa ganitong busina:
ito ang mga teorya.
Ganito ang pakiramdam ng isdang-tao
na inalis mula sa tubig. Awit ng nagdedeliryo.
Subalit paano ang mga nabinwit
wala silang huling naisasambit.
O kung papaniwalaan ang alamat—
maaaring ganito ang hudyat
ng mabangis na pugita
nang may mapangahas na nagnakaw
ng kabibe na magbigay paa
sa umibig na sirena.
Marahil ganito nangyari ang unang sakuna.
1 comment:
Post a Comment