Tuesday, May 15, 2007

BAGONG TULA

HERODES

Hindi niya kinasanayan ang tumingala. Mistulang parating babagsak ang buong karimlan sa tuwing titingin siya sa kalawakan. May malas na hatid pa man din ang mga tala.

Nitong nakaraang mga araw ng taglamig ginagambala siya ng kanyang mga pantas tungkol sa pagdating ng Mesiyas.

Hindi kaya gusto lamang nilang nakawin ang kaharian? Marami na silang ipinapatay na propeta.
Nagkalaman ang kanyang pagdududa sa mga katiwala.

Mula sa balkonahe ng kanyang palasyo, sinubukan niya minsan na tingnan ang mga bituin—para itong salamin ng mga ilawan sa lupa. Naduwal siya na parang nagluluwal ng galit at ganid. Labis na nakakalula ang taas.

Nang makarating sa kanya ang balita na sa matandang bayan ng Bethlehem isinilang ang bagong hari, sinugo niya ang kanyang mga kawal at ipinag-utos ang pagpatay sa mga sanggol na hindi baba sa gulang na dalawa.

Habang humahagulhol ang isang bayan, maaga siyang naidlip upang hintayin ang kanyang panaginip. Sa loob-loob niya: labis na ikakalugod ng Diyos ang aking utos. Hindi ginto, mira o insenso kundi dugo ng sarili niyang anak ang nais niyang alay. Hindi ba’t ito ang nakatadhana.

No comments: