Monday, May 28, 2007

DAHIL KAILANGAN


ANG DAHILAN KONG BAKIT NAG-AARAL AKONG MAGMANEHO

Ipagkakanulo ko ang mundo
kapalit ang tatlong tansan
ng alak na ininum natin kagabi
na maaaring pagtakhan mo uli.
Kung makikita mo lang sana
kung paano ko itinatago ang mga resibo
at mapa noong pumunta tayo sa hilaga.
Nagagawa ko pa ring ipagpaliban
ang pag-ihi sa mga umagang
nag-aagaw ang pagkamulat at pag-idlip
sa pag-aabang sa mga panaginip.
Lagi kong ipinapaalala
sa sarili ko na wala na akong sedula
pagdating sa ganitong pag-ibig
kagaya ng pagtanggap ko sa hangin
upang paliparin at sirain
ang mga pinakawalang saranggola.
At malamang ipapalagay mo
na talinhaga lamang ang mga ito
katulad nang minsang nakasakay tayo sa bus
at nabanggit ko na higanteng nakahiga
ang pagtingin ko sa mga bundok—
tiningnan mo lang ako
at sabay iniabot ang pamasahe natin
na pinagtatakhan ko pa rin kung bakit
napangiti ang konduktor.
Marahil dahil saktong-sakto lang
ang ibinigay mong pera.
Abala pa kasi ang mag-sukli.

1 comment:

tiburshock said...

uno ta binalyuwan mo a ngaran ka blog mo? si isay, uno a kinakalagkag mo?