Wednesday, July 11, 2007


PURGATORYO


Pagkatapos palipasin ang dapat sanang pag-idlip
sumagi uli, silang mga patay sa isip,
na parang telang dumadampi sa isang hiwa ng alaala.
Kagaya nang naunang gabi, sinimulan kong isipin
ang kanilang pangalan,tinangkang bigkasin
ang kinasanayang pagtawag sa kanila na parang nasa kapit-bahay
lamang ang mga ito at hindi naaksidente
o kaya nama’y binangungot sa loob ng seminaryo.

Nagreresponsaryo ako nang may biglang kumatok.
Istranghero sa alanganin at maalinsangang oras.
Humihingi ng malamig na tubig.
Kung maaari lagyan ng tipak ng yelo.
Pinatuloy ko siya kagaya ng pagtanggap ko sa telegrama noon
na naglalaman ng maiksi at diretsong mensahe:
nahulog at pumaimbulog ang kanyang katawan sa dagat.

Oo.

Katawan lamang ang tingin ko sa bagay na iyon
na inuwi nilang nasa loob ng kahon.
Hindi iyon ang tatay.

Kinausap ko ang istranghero na nagsimulang lagukin ang tubig,
halos gawing baso ang pitsel. Natuwa ako sa pananabik niya
sa tubig kaya kinausap ko na siya tungkol sa mga patay na nalunod.
Ganito ang kanilang pangalan, kuwento, kamatayan,
anibersaryo, huling pamisa, habilin at saan sila nakalibing.

Sinabi niyang naiisip niya rin ang mga patay.
Hindi rin siya napapatulog
kaya nagsimula siyang mag-alaga ng isang aso
na noon ko lamang palang napansin na kasama niya.
Nasa tarangkahan ito. Kulay puti na parang balahibo ng manok.
Gusto ko sanang makikipagtitigan sa aso kaya lamang ay natakot ako
sa maaaring makita o magpakita sa mata nito. Parang itong lobo.

Inalok ako ng istranghero kung nais kong sumama sa kanya.
Maghahanap pa raw kami ng tahanang magbubukas
upang magpainum ng malamig na tubig. ‘Yong may maraming yelo.
Sumama ako at hindi na nagpalit ng damit.
Kinuha ko ang isang pirasong buhok na nahulog sa kama,
itinapon sa isang basurahan na tila may butas ng kawalang hanggan.
Dahan-dahan kong isinara ang pinto.
Nagsimulang tumahol ang aso.
An ladawan hale sa www.zonezero.com

No comments: