Monday, July 23, 2007




KATIYAKAN

Sa harap ko ngayon ay ang kulay asul na langit
na maaaring kulay itim ngayon sa Maynila
dahil sa nagbabadyang bagyo.

At malamang pula ito sa ibang bahagi ng mundo na umuusok pa rin
ang huling bomba at ang yapak ng kombat ay nag-iiwan
ng parang kalansay ng isang suanoy na hayop.

Nakakatuwang isipin na ang katiyakan
sa akin ngayon ay mistulang mga ulap na lamang
na naghuhugis laruan, salamin, sugat o kaya’y mukha ng birhen—
malamang sabihing isa itong aparisyon at naghahangad
na ibaba ang tuwisyon sa kolehiyo.

Tiyak na mapapangiti tayo sa ganoong uri ng himala na hitik
sa bayang nakikita o nagpapakita ang banal sa takong ng sirang sapatos
sa kinakalawang na yero, sa sahig, sa isang tansan
at maging sa tubig ng isang inidoro sa isang bahay-aliwan.

Maaaring hindi ito sang-ayonan ng pilosopong santo—
itong kontradiksyon na nararanasan na sasabihin ko
sa’yong umuulan sa aking kanan, samantalang ang lupit
ng sikat ng araw sa kaliwa. Himala na nga ba itong matatawag?

Hindi man malinaw sa akin kung ano ang katiyakan—
Inaamin ko naman na tanging pananabik lamang ang katapat
na gamot sa sugat na dala ng pagbabago sa mundo.
Hinihintay ko pa rin ang paghahalo-halo
ng pitong kulay sa bahag-hari.

Kay Eduardo Calasanz

An retrato kua ni Murat Harmanlikli hali sa http://www.zonezero.com/

No comments: