Monday, March 24, 2008
CARAMOAN
Nangangako ang gabi ng ilang inaasahang pagdating:
ang mga labi ng tag-araw. Mapandaya ang mga ulap—
hinayaan nitong sumilip ang sinag at humalo sa hangin
at dinala ang kanais-nais na balita ng pagtatapos, ng ilang panimula:
mga kalsadang muling bubuhayin at ang balong muling sisilaban
dahil bukal pala ito ng langis na matagal ng laman
ng ating mga panaginip na kailangan sa ating pana-panahong
pagniniig, at ngayon maging ang mga kulilig ay matamang
nakikinig sa kung ano ang mga sunod-sunod na halinghing,
ang buhol-buhol na ungol, ang munting ingay mula sa higaan
matapos patayin ang ilawan, matapos dumaan ang itim na ulap:
ilang pakpak ng uwak sa ating balikat.
3/24/08
Kristian S. Cordero
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
I smell politics here and honest to goodness wariness for a place. yes, Caramoan is on the verge of something, but no one is really sure where that something might lead.
Post a Comment