Wednesday, March 26, 2008
tula
SANDALI
Kristian Sendon Cordero
Napilas mula sa isang punpon
ng mga ligaw na bulaklak
ang isang petalyo
at naligaw ito sa loob
ng aking silid.
Kulay natutuyong dilaw
ang dulo nito at may balahibo
sa gilid: maliliit na pakpak
na nakipagsandugo sa hangin.
Dumaan ito sa malamig na bintana
at nagsimulang mangusap,
kung paano nabigo ang isang manliligaw
sa kanyang sinusuyo—
kung paano isa-isa silang lumayo,
kumalas sa tangkay, nagpakamatay,
natuyo at yinakap ang isang
yapak ng sawing mangingibig.
Siya lamang daw ang nakaligtas.
Ginising ng ulilang petalyo
ang dingding at pinilit na sabihin
ang mga lihim nito,
sinumbatan ang sirang bisagra ng pinto
at namahinga sa silya na inusisa niya
kung paano pilit itong umaasa
sa pagbabalik ng isang halik
na gigising sa bawat sulok.
Walang pumansin sa petalyong
nabagot na lamang sa sariling kuwento.
Lumisan ito at nag-iwan ng ilang punpon
ng mga salitang natipon niya sa daan.
Binilin niya sa antigong mesa
na maaari ko itong gawing isang tula:
at magbabalik siyang isang
ganap at tahimik na bulaklak—
huling sambit ng pailing-iling
na makinilyang lasing.
Para Kay Eric Gamalinda
3/25/0
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
ang sarap talagang magbasa ng tulang ginagamit ang filipino.
In a sign of the onset of your maturity as a poet, your poems are turning from being that of a realsit to that of a surrealist. While i found the metamorphosis favorable on your part and on Bikol Literarture, I miss the old crisp, simple, profound, and activist poems of yours. How i miss the spirit of all those mga "Tulang Tulala."
Post a Comment