Saturday, December 06, 2008

obra

PAGHUHUKAY


Muling nakapagtago
sa isang kuweba
ang isang ligaw na hayop.

At ito ang huling tagpo:

Ginagalugad ng teleskopyo
ang maaring maabot ng tanaw.

Gumagawa ng plano ang tao
sa kung paano kikilos
at tatakbo papalayo
upang muling makapagtago
ang inaasam na bihag.

Wala na siyang bahag.
Wala na ring habag.

Ayon sa sinaunang kuwento,
higit na bumangis ang tao
simula nang matuklasan niya
ang bukal ng langis sa gitna ng disyerto.

Una kong titirahin ang ulo
at kakainin ang puso.

Sa loob ng kuweba, pumapasok
ang huling silahis ng liwanag.
Binibigyang hugis ang natitirang anyo:

ilang di mawaring guhit at titik
ang nakasulat sa dingding,
ilang basag-basag na banga
at bungo ng sinaunang tao.


disyembre 7, 2008
cervini hall, ateneo

No comments: