Tuesday, November 06, 2007

obra nueva



HULING KANSYON


Kung mamarapatin, nais ko
sanang magpakamatay sa harapan mo.

Hindi dahil sa umaasa akong pipigilin
mo ang pagkalabit ko ng gatilyo. Mauupo ka lamang.

Hindi ko hinihinging magsalita ka:
tanging isang saksi lamang ang aking hangad.

Batid kong mag-aalinlangan ka sa aking pakiusap,
subalit kailangang mong mabatid na tanging

ito lamang ang paraan ko upang sa dulo
ng lahat, makita ko kung paano lisanin ng liwanag

ang mundo sa aking mata. Mamamadaliin ko lamang
ang pagpapakamatay,walang mga huling pananambitan

o pagsisi sa kaninuman sapagkat tinitiyak kong wala
akong nararamdaman maliban sa nais na wakas

na kasama ka. Kung balak mong sumigaw ng saklolo,
mangyaring tiyakin mo lamang na tuluyan na akong

naglaho pati ang aking anino. Huwag mo akong hawakan.
Hindi ko nanaising mapaso ka ng malamig na katawan.

Kung pagbintangan kang ikaw ang kumalabit ng gatilyo,
ipakita mo ang ebidensyang ito. Dahan-dahang basahin ang laman.

Hindi ko ipinapangakong may darating na ulan o alanganing hangin
o mangangamoy kandila o ligaw na rosas sa pagbasa mo ng tula.

Sa loob ng kanilang mga bibig na magbubukas-sara
sa kanilang paghalakhak o sa mga tingin na mapaghinala,

sa gilid ng hindi pinapansin na salamin, doon mo ako muling tingnan
at iaabot ko sa’yo ang sunod mong hakbang na gagawin.


Kina Erick Lagdameo at Adrian Remodo,
sa mga kuwentong kanilang winakasan.

1 comment:

Segundo Persona said...

kristian, ni-link kita sa reactivated kong blog (www.krisberse.blogspot.com). napadaan lang...