Friday, March 02, 2007

ISTIGMATA SA DILA

Ikinulong ang makata sa kuta ng mga santa.
at doon tinuruan siya ng mga dasal-tula.

Mabaho ang lumalabas sa unang mga bigkas
ng mga salita na parang istigmata sa dila.

Hanggang sa pinakain siya ng katawan ng Salita.
Umabot lamang ang lasa nito sa dulo ng kanyang dila.

Mula noon natuklasan niya ang ibang salita:
Una, walang kahulugan ang panata,

dumudugo ang salitang tapang habang nabubulok
ang bawat titik ng prinsipyo, katotohanan at buhay.

Nagliliyab naman ang sidhi na parang may bolang apoy
na gumuguhit sa kanyang lalamunan.

At ang hindi niya maisatitik—ang pag-ibig,
sadya itong malamig na parang bangkay na tinapay.

POST SCRIPTUM

Magtatangka silang isulat
ang lahat ng mga pangyayari—
Silang mga anak ng makata.
Silang mga ipinaglihi sa tinta.

Gagawa sila ng mga bagong panitik
tungkol sa digmaan, sa sakit
na tumutunaw ng kanilang bungo,
sa gutom na tanging puso lamang nila
ang papawi at makakaunawa.

Nang binulag sila ng mga kalaban
noon nagsimulang makakita ang kanilang tenga.
Nang pinutol ang kanilang mga kamay
tumubo ang mga daliri sa dila.

Pinugotan sila ng ulo kamakalawa
At walang nangyari, wala.

No comments: