Wednesday, September 05, 2007

SanAG 7



ISANG PAGBULIG SA MGA ORAGON
Mga Binalaybay mula Bikol
Kristian S. Cordero

Kalimitan na ang gawain ng isang editor para sa mga ganitong koleksyon ay limitado lamang sa pagsasaayos ng mga obra ayon sa personal na pamantayan ng patnugot at ang paghahanap ng mga kawing na mauugnay o napapanahong tema na maaaring lumitaw at tingnan sa halos lahat ng akdang iniaambag para sa nasabing publikasyon. Ganito ang naging disposisyon ko sa pagtanggap ko ng mga lahok mula sa mga kapwa ko manunulat na Bikolnon na ipinagdiwang ang balitang bukas ang SanAg sa paglimbag ng mga akdang Bikol. Dito higit na mapapapatunayan ang kahalagahan ng pagiging kabulig ng bawat isa. Hindi naman malayo ang pusod ng Bikol sa Iloilo. Sa muling pamumulaklak ng panitikang Bikol sa huling bahagi ng ikalabing siyam na siglo ay makikita ang malinaw na koneksyon ng dalawang rehiyon sa pamamagitan ni Mariano Perfecto mula Iloilo na nagdala ng unang imprenta sa lungsod ng Naga, ang eklesiyastikong kabisera ng Bikol. Matatandaan na bago pa ang imprenta ni Perfecto sa Naga ay mayroon na itong pinapatakbo sa syudad ng Ilong-Ilong kung kaya hindi naiwasan ang paghahalo-halo at pagkakarooon ng tatak Bikol sa wikang Ilonggo at wikang Ilonggo naman sa wikang Bikol-Naga. Sabi nga ni Maria Lilia Realubit, isa sa pangunahing mananaliksik— a Bikol that is almost an Ilonggo and an Ilonggo that is almost Bikol.
Maging sa panahon ng dekada 50 ng nakaraang siglo ay patuloy pa rin ang ginawang palitan ng mga sulatin sa dalawang pook. Sa isang isyu ng kalendaryong Bikol ay may mga ginawang pagsasalin sa orihinal na Hiligaynon patungo sa wikang Bikol isa na rito ang talambuhay ni Papa Pio XII na sinulat sa Hiligaynon ni Padre Melecio Fegarido na isinalin naman na Casimiro Perfecto na siyang editor at nagmamay-ari ng La Panayana isang imprenta sa Calle Ledesma, Iloilo. Kung babatayan naman ang pagkakaugnay ng mga wika sa Pilipinas, masasabing tila magkakapatid ang mga wika sa Timog na bahagi ng bansa at kabilang na dito ang maraming wika sa Bikol. Kung kaya maging ang salitang kabulig sa Bikol man o sa mga Ilonggo ay nauunawaan bilang kasama, kaagapay, kaibigan sa pagbuhat ng isang layunin upang marating ang ideyal na estado, ang alternatibong dapat.
Pangbuena-manong handog sa koleksyon na ito ang ilang binalaybay o rawitdawit ng mga makatang Bikolnon na sina H. Francisco V. Peñones at Jason Chancoco ng Lungsod ng Iriga, Abdon M. Balde (Oas) Jaime Jesus Borlagdan (Lungsod ng Tabaco) sa Albay, Judith Balares-Salamat at Carlos A. Arejola (Pili), Adrian V. Remodo (Lagonoy) Victor Denis Nierva (San Fernando), Estelito Jacob (Camaligan) at ang seminaristang si Eric Bobis (Ocampo) sa probinsya ng Timog Camarines.
Sa pagbasa sa kanilang mga obra kakikitaan na ito ng mga agarang bahid na palasak na namamayani sa mga paksang tinatalakay ng mga makatang Bikolnon katulad ng mga isyung panlipunan at eksistansiyalismo o ang paraan at pagtataguyod ng pag-iral. Kung kaya kapansin-pansin na lumilitaw pa rin ang sensitibong pakikiramdam sa panahon at espasyong kinakabilangan ng makatang taglay ang kapangyarihang gawing biyaya ang parusa ng mga araw-araw na pakikipagbuno sa mga ordinaryo at kinasanayang tagpo. Ito ang makikita sa mga tula nina Salamat, Bobis at Nierva kung saan mahiwagang ikinukulong ang mga sandali sa pamamagitan ng pagtula. Tahimik at halos parang nakikipag-usap o naglalarawan lamang ng karanasan ang namamayaning boses. Ang kanilang mga tula ay may kakayahang dalhin ang mambabasa sa mga pamilyar na eksena na hindi aakalaing maaaring tulaan o isulat sa bersong matatalinhaga—matalim ang hiwaga. Madalas namang parang nangungumpisal lamang ang naratibo ni Jacob sa kanyang tula. Subalit kakaiba sa ordinaryong pakikipag-usap, naroon ang pagtatangka ng makatang ikulong sa kahon ng tula ang kanyang karanasan at ito’y sa pamamagitan ng paghahanap ng mga angkop na salita na siya rin namang kulungan ng pananaw, bisyon at karanasan. Bilang isang manunulat, ang makata ang siya ring nagiging tagapagtala, siya ang nagbibinyag upang bigyang kahulugan o lalim ang nakakapanlumong trahedya, upang magsindi ng isang palitong puno ng pag-asa at manawagan sa muling pagbuo, sa muling pagtayo ng mga guhong pangarap. Ito ang makikitang tono sa mga binalaybay ni Balde at Peñones: kung ang una ay nagsasalaysay ng lupit ng bagyong puti, ang huli naman ay panawagan o kansyon sa Habagat upang ang pulitikal na diskurso ng makata ay maiangkop sa kalupitan ng panahon na pinapatay/binubuhay ng kawalang katotohanan at makabagong pagtingin sa kagandahan.
Isa pang makabuluhang pagtingin ang kailangang igawad sa binalaybay ni Borlagdan na nagsasalaysay ng kuwento ni Handyong, isa sa mga bayani sa epikong Ibalon. Ang ganitong mga hakbang ay mapupulsuhan sa mga manunulat sa Bikol ngayon na tila isang mahiwaga at matubig na balon ang Ibalon kung saan patuloy na nag-iigib ang mga manunulat ng kanilang pagtatangkang bigyang pag-uugnay ang ating karanasan sa mga kuwentong tila paulit-ulit lamang nating isinasabuhay. Kung tutuusin ilang akda na rin ang naisulat na nakabase o tungkol sa mga mito ng Griyego at maging sa mga alamat ng Timog Amerika. Muli’t muli isinusuot ang blusa, isinusubo ang agimat, tinatangka ng makata na buksan ang kahon ni Pandora o ang mapangahas na pagtingin sa mata ni Medusa. Ang ganitong pagkilos ay makikita naman sa binalaybay ni Remodo na nagtatangka mag-tanong at mag-usisa sa mga sistemang kinasanayan. Sa unang pagkakataon kakikitaan ng ordinaryong sulat ang tula subalit may ipinapakita itong lalim ng emosyon na isa sa mga elementong nasasakripisyo ng mga tulang higit na tinitingnan ang disiplina ng sukat at tugma na madalas maging dahilan ng pagbabangayan na rin mismo ng mga makata.
Mula sa mga mala-epikong tula ni Borlagdan at mga melo-dramatikong linya ni Remodo, narito naman ang mga binalaybay ni Chancoco at Arejola na may taglay na kakaibang sigla at pagkutya na likas na makikita sa mga obrang Bikol mula sa mga tigsik at mga awiting bayan. Sa mga binalaybay ni Chancoco, makikita ang ekonomiya ng salita ngunit buong naipakikita ang mga imahe, ang nais at ang lagusang maaaring magbukas ng iba pang interpretasyon sa pagbasa na para sa akin ay isang katangian ng mahusay na tula.
Isinalin ko sa Filipino ang mga binalaybay nina Remodo, Jacob, Salamat, Bobis at Nierva samantalang ang natitirang lima ay kanilang sariling salin. Isang katangian ng mga kontemporanyong manunulat sa Bikol ay ang kakayahang magsulat sa hindi bababa sa apat na wika. Bagay na tinitingnan ko bilang isang dagdag na pulgada sa pagsusulat. Sa koleksyong ito makikita rin ang iba’t ibang uri ng Bikol katulad ng Oasnon ni Balde, Rinconada ni Chancoco na sinisimulan na ring gamitin upang patunayan na ang pagkakaroon ng maraming wika ay hindi dagok kundi isang tulong sapagkat patunay lamang ito ng mayamang pananaw na nakakubli sa mga wikang ito. Bagamat tinitingnan pa ring isang malaking hamon ang bagay na ito, isang hakbang pasulong na ang ginawa ng ating mga manunulat.
Sa pagbulig sa mga Oragon, inuulit ng mga manunulat ang kasaysayan ng pakikipagtulungan sapagkat higit nating matutuklasan ang pusod na parehong nagdudugtong sa atin at ang muling pagbukas ng mga bagong pananaw na sa ating pagkakaiba, sa ating angking kalikasan ay naroon ang ating pagkakapareho at pagkakaisa na hindi lamang nakatuon sa ‘pakikibagay’ kundi kailangang nasa pagpapalagay ng loob sa kasama, sa kabulig. Bilang bisitang patnugot para sa seksyon na ito, malaking pasasalamat ang nararapat na ihandog kan John Iremil Teodoro sa ginawa niyang hakbang na pagbuksan kami ng pinto na inaasahan naming magagawa rin namin sa aming mga kabulig sa Unibersidad ng San Agustin at sa buong isla ng Panay.


-----
Ilulunsad ang dyornal sa Nobyembre 13, 2007 sa University of San Agustin sa Iloilo.

No comments: