Thursday, June 12, 2008

muni-muni


Angkor Wat, ni Kristian Cordero

ANG DAAN NG MAKATA


Hindi na bago ang karanasan ng pagtula para sa atin. Natuto tayong magmakata simula ng mapansin natin ang pinakamarubdob na emosyon, ng kagandahan ng sarili o kaya ng iba. Gusto kong isiping vice-versa ang prosesong ito, ang sarili patungo sa kapwa, at ang kapwa patungo sa sarili. Sa simula, naroon ang hiwaga, ang mga munting himala kung paano may mga tao at mga bagay na pumupukaw at ninanakaw ang ating atensyon, ang ating palagay, ang ating pagkatao tungo sa maraming kaisahan. Mabuti na lamang na nang dumating ang ganitong uri ng kalagayan at ‘kaligayahan’, sabihin na natin, ng ating mga puso, o kaya ng ating mga isip ay naroon ang mga salita, ang salitang itinuro sa atin, ng ating mga magulang, ng panahon, ng pagkakataon, ang baul at bukal ng bokabularyo, na humimok sa atin na kasabay ng paglilinaw sa nararamdaman, naroon din tayo, naghahanap ng mga salitang maaaring magbigkis, maaaring tumipon sa ating emosyon, sa ating sarili, sa ating binubuong kaganapan.

Ngunit, habang natututo tayo ng mga salita, nakalimutan o nakakalimutan natin ang karanasan ng unang tibok ng damdamin. Dumami nga ang ating mga salita, ngunit unti-unti naman tayong nailayo sa hiwaga ng ating pakiramdam. Dumami nga ang alam nating wika, ngunit naging tahimik na rin, na parang isang naka-mute na palabas ang ating mga panaginip. Nawalan ng bisa ang salita. Natapos ang ating karanasan sa pagiging makata, sa mga linyang, ‘Ako’y tutula, mahabang, mahaba, ako’y uupo tapos na po.’

O kaya’y naging ordinaryo na lamang ang mga salita, sa dami ng alam nating salita, na hindi na nito taglay ang dating hiwaga na tinalian ng mga talinhaga. Lumalim ang makata, samantalang nalunod ang kanyang mga kasama. Nalunod sa mga salitang inaakalang sapat na, huminto sa pagtibok, lumagay sa tahimik, hininto ang mga pagtatanong, nagmemorize ng mga dasal. Isang malaking pagkakamali para sa akin na isipin na ang salita ay mga titik lamang, higit sa titik, ang salita ay maaring maging tahimik na tapik sa balikat, ang salita ay maaaring isang sulyap ng mata, pakikipagkamay sa isang estranghero sa isang estasyon, isang yakap, isang yapak—payak, ang salita ay maaaring isang Diyos.

Maaaring corny, ngunit sa tingin ko, lahat ng korning bagay sa mundo, kapag tinitigan, ay nanunuot sa laman at tumatagos sa buto. Kung sisilipin natin ang ilang pahina ng kasaysayan ng ispiritwalidad ng tao, marami sa mga banal ang sumulat, umusal ng kanilang mga tula na ngayon ay ginawa ng dasal, ginawang opisyal. O baka lahat naman ng malalim na dasal ay masasabi ngang tula, sapagkat nagtatalik, nagkakasama, ang mga kataga sa pinakamalalim na pagmamahal, pagnanais na landasin ang daan patungo sa ‘Iba’ na maaaring ang Diyos o ang kapwa, ang mga ka-puwang natin. Ngunit marahas ang danas ng dasal, masalimuot ang daan patungo sa ‘iba’. At ito ang isa sa mga karanasan kong ninais kong itala sa isang tula:




Panalangin
Pasintabi kay Rilke
Kristian S. Cordero

Kung nagdadasal ako
mistula akong kandilang
sinisindihan at pilit na
pinapatayo sa isang patag na bato.
Aaminin kong nakakadama ako
ng kakaibang yabang sa pagdarasal,
‘yong pakiramdam na parang iba
rin akong makipag-usap sa Diyos
at iba rin ang pakikipag-usap niya sa akin—
Nararamdaman ko ang kaligayahan na dala
ng magkasabay na paniniwala at pagdududa.
Kung minsan, nagdadasal akong parang
nakikipag-usap lamang ako sa sarili,
na mistulang isang kandila na patuloy
na nagliliyab, dahan-dahan, na nagmumuni-muni
sa harapan ng Panginoon hanggang sa ang patag
na bato, ang mitsa, ang apoy, ang hangin,
ang Diyos ay mapag-isa sa akin
at iniiwanan akong hindi ko kilala ang sarili,
kung ano nga ba ako—
kung baliw, nalantang talbos, kalapati
o hindi tapos na tula.

***

Bago pa man maging semento o lilok na kahoy o stained glasses ang mga taong katulad nina Teresa of Avila, Francisco de Asis, Julia ng Norwich, Francisco Javier o maging si Juan Pablo II ay mga makata muna sila. ‘ Naaakit ako sa’yong pag-ibig/ Kaya’t mahal kita kahit walang langit.’ Sa mga katagang ito ng Heswitang si Francisco, una kong naramdaman kung ano ang pinakadakilang kayang gawin ng isang Kristiyano. Hindi niya kinakailangang maging martir at isiping ang kapalit ng pagsakit ay langit, sapagkat, ‘ ani ni Teresa ng Avila, ‘Diyos lamang ay sapat na’ at ang ganitong disposisyon marahil na ipinakita nila sa kanilang berso, ang humihimok para sa isang tulad ni Francisco de Asis na tawaging kapatid ang kamatayan, ang araw, ang buwan, maging ang ipis, at kay Julia ng Norwich, ang lahat ay magtatapos nang maayos na sinang-ayonan naman ng makatang si : si Gerald Monley Hopkins, na nagsabing ‘ the world is charged with the grandeur of God’, ang Diyos na sinabihan ng Anglikanong si John Donne sa isa sa kanyang soneto, na bugbugin mo ang puso ko, Santisima Trinidad, sapagkat hindi ako magiging malaya, kung hindi mo ako gapusin, at hindi ako magiging dalisay, kung hindi mo ako gahasain. Hindi lamang dito nagtatapos ang listahan ng mga ganitong mga makata at makatha. At ngayon magtatangka kami na sa pamamagitan ng retreat na ito ay muli nating balikan ang karanasan ng pagkatha, sa tulong ng Dakilang Maylika, sapagkat, ang Salita ay nasa atin.

Ilan sa mga tula na naisulat ng mga hinahangaan kong makata katulad nina Rio Alma, Cirilo Bautista, Eduardo Calasanz, Albert Alejo, Rebecca Anonuevo, Rofel Brion, Benilda Santos, Marne Kilates, Mike Bigornia, Jose Garcia Villa at Eric Gamalinda ay maaaring kakitaan natin ng panibagong sulyap ng pag-asa, ng relasyon natin, ng kalagayan natin sa loob at labas ng mga munting samahang ating binubuo at bumubuo sa atin, ng pakikitungo natin sa Diyos, ng mga pag-asa na ating nililikom na parang isang kandilang nasa gitna ng isang unos, at layunin na sana’y sa pamamagitan nito ay maisabi, maisulat, maisigaw, maipakita rin natin ang mga salita, ang mga dasal, ang mga tula na matagal nang nasa dulo ng ating mga dila.

Narito ang isang tula na muling nagpapaalala sa akin ng ilang kataga sa Eklesiastiko. Isa itong huling tula ng makatang si Mike Bigornia, isa itong paghimok na sa pagpasok natin sa araw na ito, sana’y may matuklasan tayong hiwaga na nagmumula sa ating mga kaluluwa:

PANAHON
Mike Bigornia

May panahon ang lahat
Gaya ng iyong minsang pagbalik
sa daigdig ng lumang retrato at himig.
Walang batas sa pagrerepaso ng titik
Lumulutang sa bawat nota at bagting.
At sa daigdig na yao’y
makakarinig ka ng isang tinig
na malambing tulad ng gunita
upang akayin kang muling maging bata.

Magwiwika itong, “hulihin ako.”
Gayong di lahat ay kanyang tinatawag.
Pambihira ang may gayong pagkakataon.

Ikaw na may iba nang estado:
may responsibilidad, may posisyon
Maaaring may hibalang pilak sa noo
at doble-bistang obligasyon.

Subalit may panahon ang lahat.

Binalikan ko ngayon ang gayon ding daigdig
at nasumpungan ko’y bagong kahulugan
ng awit, ng tibok, at maging ng salitang pag-ibig.

-----
Bukal ng Tipan, Taytay, Rizal

No comments: