Saturday, June 24, 2006
SIMULA
SIMULA
Muling pinagsama ang pinaghiwalay
na liwanag at dilim at isinilang ang abo.
Naging itong tao.
Binigyan ng sariling bait,
at kapangyarihan ng isip.
Ayon sa matandang alamat,
sila rin ang mga unang makata.
Nakakausap nila ang Salita
at lubos nilang ikinakagalak
ang bawat bigkas ng kanilang mga bibig.
Dumadaloy ang mga salita sa kanilang katawan
mula sa kanilang kaluluwa.
Nauunawan nila ang bawat isa at tiyak
sila sa kanilang nararamdaman.
Yaman nila ang kanilang dila.
Hindi nilang kailangang kausapin ang mga halaman
upang mamulaklak, naririnig nila ang mga awit nito
at umaabot ang halimuyak sa buwan.
Nakakausap din nila ang mga hayop.
Sa mga ito, ang pinakamatatas ang ahas
na may sanga ang dila.
Lubos na kinagiliwan ng taong
kausapin ang ulupong.
Naging matalik niya itong kaibigan.
Hanggang sa magkasundo silang kainin
ang bunga na ayon sa ahas ay magbubukas
sa tao ng mga bagong salita.
Mula rito natuklasan ng tao ang kahulugan
ng gutom, takot, sakit, poot at kamatayan.
Naging buhol-buhol na rin ang daloy
ng kanyang salita,
naging madalas ang pananaghoy.
Bumabalik pa rin ang ilan sa hardin
upang tumuklas ng mga bagong salita
at mapatunayan ang alamat
na likas tayong mga makata
ngunit nanaig ang pag-aalinlangan
at takot sa nagliliyab na espada.
Para na lamang sa mga mapangahas
ang pagiging makata.
Hunyo 23, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
i statter and stammer.
Post a Comment