
PAPUNTANG ISLA NG BURIAS
Kristian S. Cordero
Labas-masok ang mga kargador sa pier.
Nagmamadaling maidiskarga
ng mga nag-uunahang paa
ang mga kailangang
itawid sa kabilang isla.
Piyesta na sa makalawa.
Kailangang makaalis ang baroto
bago pumatak ang alas otso
ng di abutin ng pag-aati ng dagat.
Sumasama sa hangin ang maliliit
na buhangin at kumakapit
sa buhok
habang tumitilamsik ang mga alon
sa balat ng mga pasahero
at nagiging bubog ng mga asin.
Ganito nila hinahabol ang oras.
Ganito sila hinahabol ng oras.
UNAN
Para kay Gen Asenjo
Yinayakap ko ang mahabang unan na parang ikaw.
Ito ang pumupuwang sa napakalawak na patlang
na iniiwan mo sa higaan.
Marahan at tiyak ang aking mga yakap
hanggang sa manikip ang aking dibdib
at marinig ko ang hanging lumalabas
sa unan, parang buntong hiningang
pinapakawalan pagkatapos ng pagtatalik.
Ganito rin kita nakikita sa tuwing kakain
ka ng tanghalian, nakahanda ang pekadilyo
at dahan-dahan mong bubuwagin ang tali
sa tilapia, walang imik mong ginagawa
ang ritwal ng paghuhubad.
Hindi mo ako tinitingnan at hindi rin kinakausap.
Mag-isa mong itinataboy ang mga naligaw na langaw
sa mesa at tumatayo kang iniiwan ako ng dighay.
Hunyo 14, 2006
No comments:
Post a Comment