KUNG PAANO NAGKAKALAMAN ANG MGA SALITA
SA CORPUS CHRISTI SEMINARY
Kristian S. Cordero
Romantic sa akin ang patutsada ni Juan sa kanyang ebanghelyo na inilalarawan ang diyos bilang isang “salita” na nagkalaman sa pamamagitan ng kanyang bosing na ipinako sa krus. Sa mga close associates ni Jesus, itong si Juan na madalas na ilarawan bilang binabae ang hindi lamang nakatay ng mga barbarong pagano. Kung tutuusin tragic ang ending ng mga apostol, hindi pwedeng gawing pelikula ng mga Pinoy na action stars. Nagbigti na lamang si Judas dahil fake ang mga tansong pilak na ibinayad sa kanya kisa naman habulin siya at pugutan ng ulo ng Romanong sundalong kanyang pinagkauutangan; ipinako ng patiwarik si Pedro samantalang ang kanyang kapatid na si Andres ay ipinako ng pa-ekis. Ngunit mas masahol naman ang nangyari kay Bartolome na binalatan ng buhay at saka itinapon sa kumukulong mantika, dahilan ito kung bakit may dala-dalang itong itak sa kanyang imahen upang gunitain ang kanyang pagiging martir. Si Juan lamang na binansagang “The Beloved” ang tumanda sa isla ng Pathos at nakasama ng nanay ni Jesus sa Epeso. Siya rin ang kinikilalang isa sa mga pinakamahusay na teologo ng simbahan. Malimit niyang banggitin sa kanyang mga akda ang mga katagang ang Diyos ay pag-ibig o God is love na karaniwan na nating makita sa mga stickers na nakadikit sa mga pampubikong sasakyan, sinehan, pawnshops at maging sa mga c.r. ng bahay aliwan. Ang santong ito ang hinangaan ko at ginawang personal na patron sa pagpasok ko ng Corpus Christi Seminary na inakala kong isang lugar ng mga banal, nang mga taong halos hindi makabali ng lutong kamote. Naging sirungan ko ang seminaryo upang takasan ang mga bagay na matagal na palang naghihintay ng pagdating ko sa loob.
Para isang malaking bapor na kulay pula ang edipisyo ng seminaryo. May dalawang palapag ito. Sa ibaba makikita ang mga opisina, computer rooms, ang ecclesiastical at archeological museums, ang tatlong hardin ng Sacred Heart, San Lorenzo Ruiz at Fountain garden na madalas tambayan ng mga seminarista tuwing kakain ng snacks at bago pumasok ng kapilya. Nasa bawat dulo naman ang mga classrooms, student offices, music room, refectory, recreation area at ang auditorium. Sa taas naman ang chapel, library, mga kuwarto ng pari at dormitoryo. Malawak at makulay ang kasaysayan nito. Noong huling taon ng ika-labing siyam na siglo, binuksan ito hindi lamang para sa mga kabataang gusting magpari kundi maging sa mga laikong lalaki. Ilan sa mga alumnus ay naging senador at kongresista kasama na ang dalawang propagandista na nakasama ni Rizal sa Europa. Kasabay na binuksan ng seminaryo ang kolehiyo na para naman sa mga dalaga at pinapatakbo ito hanggang sa ngayon ng mga Hijas de Caridad na noong unang panahon ay parang mga taga-ibang planeta ang mga belo. Sa kabilang kalsada lamang ang kolehiyo at ang palasyo ng arsobispo samantalang ang seminaryo naman ay nasa gawing kanan ng katedral. Ganito pinaghihiwalay ng diyos ang lalaki sa babae.
Bata pa ko nang una akong makarating sa seminaryo dahil isinama ako ng lola ko sa isang gathering ng mga charismatic na nagtutumba sa tuwing kakantahin ang Come Holy Spirit. Hindi sinasadyang nakapasok ako noon sa lumang museo ng seminaryo na imbakan ng mga lumang gamit at damit sa misa at mga antigong imahen ng iba’t ibang santo at santa na parang mga maskara sa Hallowen ang mga mukha. Kung hindi mukhang Kastila ang mga imahen, mukha itong Intsik dahil noon pa man isa na sa mga negosyo ng mga Intsik ay ang pagawa ng santo, pagtinda ng pako’t martilyo at paglako ng taho. Wala pa kong kamuwang-muwang noon tungkol sa pagpapari. Ang alam ko lang madalas na kaltasan ng lola ang nakukuha ng lolo mula sa kanyang kopra para ibigay kay Mamo, na kahit bata-batang pa naman ay minamanuhan ng lahat kasama na ang aking lolo. Madalas ring magbigay si lola ng manok, leche plan, mga kakanin at pati na ang mga statesides na damit at chocolates na pinapadala ng aking mga magulang. Si lola ang unang nakaisip ng pagpapari para sa akin. Inialay na raw niya ako sa Panginoon at pumayag naman ang aking mga magulang. Status symbol ang pagkakaroon ng pari sa pamilya, magiging madali raw ang pagpasok ng buong angkan sa kamurawayan, kung may isang magsasakrispisyong pumasok sa seminaryo. Tatay ko nga anim na buwan lang talaga bago tuluyang lumabas dahil nakabig niya minsan ang isang lumang imahen ng Birhen habang naglalaro ng habulan. Basag ang ulo ng imahen samantalang namula naman ang tenga ng tatay sa pingot ng lola na halos mag-iisang buwang hindi lumabas at nakipag-usap sa mga kapwa niya charismatic dahil marahil sa frustrations sa erpats ko.
Nang pumasok ako sa seminaryo, mas grabe pa sa birthday ko ang handa. Nagpakatay ng isang kambing at baboy ang lola at kinumbida ang lahat ng kanyang ka prayer meetings na palaging pumipikit sa tuwing magdadasal pero halos magkalasog-lasog naman ang dila sa tsimis at nguya ng mga handa. Sa tuwing birthday ko noon madalas lang akong dalhin ng lola sa isang restaurant ng Bombay na lalaki na nakapangasawa ng Instik na may lahing Pinay. Madalas kami mag-order ng lomi na lasang chicken curry o kaya spaghetti na may halong bola-bola at ang sikat na sikat na siopao na amoy kili-kili at napabalitang karne ng palaka at softdrinks na parang ihi ng ipis.
Wala akong masyadong expectations pagpasok ko ng seminaryo. Marami na rin akong kakilalang seminarista na na-aasign sa parokya namin tuwing summer at semestral break. Madalas kong makitang maraming nililigawan ang mga seminarista. Parang nagkakaroon ng transfiguration sa tuwing magsusuot sila ng sutanang puti samantalang kaming mga sakristan ay pulang sutana ang isinusuot at walang design ang surplice. Grade three pa lang ako ng maging akong Knights of the Altar, kahit hindi ko pa abot ang altar ay naipasok na ako ng lola sa pagsasakristan kapalit ang isang Rolex na relo na padala ng uncle kong seaman para kay lolo na ibinigay na lang ng lola kay Mamo na mabilis naman akong sinutanahan. Huminto lamang ako sa pagsasakristan ng magpatuli ako at nang seryosohin ko ang panliligaw ko sa kapitbahay namin na nauwi sa wala dahil higit na mas mahinhin pa raw akong kumilos kisa sa babae, kaya bagay na bagay daw akong magpari. Alam kong may kinalaman si lola sa bagay na sinabi ng babae na ang ermats ay isang charismatic din. Pagkatapos ng masamang karanasang ito, natikman ko ang unang yosi at unang toma kasama ang ilang kapwa ko sakristan. Sumama ako sa grupong paiinumin ko ng isang boteng gin ng dirediretso, walang pulutan at walang tubig. Nagsusuka ako habang ang mga kasamahan ko namay pilit na tintiis ang lanit ng gin sa lalamunan na dahan-dahan nang bumaba sa aking sikmura. Parang uminom ako ng gasolina. Simula noon napagpasyahan kong mas masarap ang mompo na iniinom na pari na madalas naming hinahaloan ng Cool Aid na grapes ang flavor samantalang junk food namin ay ang hostiyang durog-durog na priniprito ng boy ni Mamo at nilalagyan ng bawang at asin kung hindi man ay asukal na pula. ‘Yon ang isa sa mga bagay na nagustuhan ko sa buhay-kumbento.
Tatlumput tatlo kaming nasutanahan ng puti at nakapasa sa pre-college seminary ngunit anim sa amin ang hindi na nagpatuloy para sa philosophy. Pinalabas ang apat dahil nahuling nagtotoma sa loob habang binubuklat ang isang magazine na sabi ng ilang brothers na gusting mampikon ay may pictures daw ni Anita Linda at Rosa Rosal, samantalang ang dalawa nama’y dahil sa cellphone. Muntikan na rin sanang mapalabas ang isa sa amin dahil sa panliligaw sa isang dalagang may limang taon ang tanda sa kanya. Ngunit napagkasunduang gawing probationary status ng mokong dahil malaki raw ang tulong ng klasmeyt kong ’yon lalo na sa rector namin na siya ang ginagawang drayber sa tuwing pupunta ito ng Manila.
Pagpasok ko ng seminaryo, dahan-dahang binuksan ang mata ko sa mga bagay-bagay na hindi pala simple ang buhay ng nagpapari. Kumplikado ito lalo na sa lipunan at simbahang pilit na binabago at tinutuligsa ng modernong panahon. Sa loob ng apat na taon na pag-aaral sa pilosopiya, parang taon-taon din akong hinuhubadan o kaya’y ginugupitan ang mahaba kong sutana. May mga tamang gupit, tamang damit para sa amin. Bawal ang lumabas ng seminaryo ng walang kuwelyo. Bawal ang kalbo dahil personal na desisyon ito ng bagong rector naming na hawig sa Beatles ang buhok. Bawal ang tumanggap ng tawag sa mga oras na ganito. Bawal ang shorts sa tanggapan ng bisita. Isa lamang ang telepono para sa mahigit isang daang seminarista. Marami ang bawal ngunit marami rin namang lugar o pagkakataon na hinihikayat kaming mas higit na makilala ang sarili, makapagdasal at makisalamuha sa bawat isa.
Parang de baterya ang buhay sa loob ng seminaryo. Naka schedule na ika nga, mula sa paggising hanggang sa pagdating ng mga panaginip. Bago pa ang bagting para sa alasais na misa sa katedral, may mga seminaristang nagsisimula ng lakarin ang makitid na pasilyo ng seminaryo papunta sa aming paliguan. Problema noong unang taon ang tubig, ngunit dahil may sa class memorial ng mga graduating students nakapagpagawa ng tangke ang seminaryo. Kahit papano naibsan ang problema sa tubig. Sa c.r. na rin umiinom ang ilang seminaristang tuwing gabi dahil madalas na madilim at malayo-malayo pa rin lalakarin kong baba pa. Nauso lamang ang pagdadala ng bote ng mineral water sa dormitoryo nang matagpuan ang labing dalawang pusang nalunod sa loob ng tangke. Simula rin noon, napagpasyahan ng Sport committee sa tulong ng isa paring aktibo sa boy scouting na magsponsor ng parlor game sa pamamagitan ng paghuli ng mga pusang naglipana sa seminaryo na madalas na ring nakakabulabog sa amin noon dahil sa mga ngiyaw nito tuwing gabi na sabi ng isang brother ay hawig sa boses ng mga madreng nag-uusap tungkol sa sex. Simple lang ang parlor game na ‘yon, may premyong tatlong gallon ng ice cream ang klaseng may pinakamaraming mahuhuli at maisisilid na pusa sa loob ng sako at pagkatapos dadalhin ito sa palengke na may kalayuan rin mula sa seminaryo at doon ililigaw ang mga ito. Nag-participate ang lahat kahit na ang hindi mga athletic sa amin. Parang mga baliw ang pusa habang hinuhuli ng mga seminarista na hindi naiwasang nakamot o nakagat ng mga pusa. Tumagal ng halos tatlong araw ang palarong ito simula ng Biyernes na hapon hanggang Linggong gabi. Sa katapusan, may dalawang seminaristang nabalian ng buto at kailangang dalhin sa para-hilot at sa isang daan pusang nahuli mahigit limampung pusa ang napatay sa hampas ng tubo o kaya sa pagbato: dalawpu dito ay lalaking pusa at ang natitirang bilang ay mga buntis na pusa. Ito ang unang malawakang inquisition na nangyari sa seminaryo ng Corpus Christi. Nanalo ang third year college na siya rin ang pinakamaraming bilang ng seminarista sa klase. Nag-aragawan uli sila ng premyong ice cream na parang nanghuhuli uli ng pusa at may isa uling nasugatan sa klase nila. Ang mga talunan katulad ng klase namin ang naatasang magtapon ng mga dedbol na pusa. Itinapon namin ang mga bangkay ng pusa sa fishpond kung saan naghihintay ang mga malalaking hito at karpa.
Maraming sangay ang seminaryo dahil para itong isang power base ng lokal na simbahan o ng dioyesesis. Umiikot ang simbahan na parang isang korporasyon at ang seminaryo ay ang punlaan ng mga magiging executives sa kani-kanilang teritoryo sa parokya man yan o sa isang komisyong o linyang apostolado ng simbahan. Kakaiba sa mga religious order, ang mga diocesan priests ay kilala rin sa tawag na mga sekular na pari. Ang superior nila ay ang obispo ng diyosesis at madalas silang madestino sa parokya. Sabi ng kaibigan kong Heswita, ang mga sekular raw ay “out of order”. Connected din ang image ng mga sekular na pari sa mga fund raisings tulad ng raffle tickets, mga pledges, mga Search for Easter Angels, Little San Jose, Little Bernadette, Little Saint Anthony, Rosary Queen, Reyna Elena, Mr. Caritas at kun ano-ano pang pa-money contests. May isang pamilyang naging title holders ang lahat ng miyembro ngunit sa katapusan, nagkaaway ang tatay at ang kura dahil sa distribution of percentage. Hindi raw binigay lahat ng kura ang tamang porsyento para sa kanila kung kaya pagkatapos ng isang buwang walang pansinan, lumipat ang buong pamilya sa Iglesya ni Kristo. Nakita na lamang sa bakuran nila ang mga pira-pirasong imahen ng mga santo’t santa, mga pinutol-putol na rosaryo at ang mga sinunog na tropeyo at sash na pinanalunan nila bilang mga Katoliko.
Marami pa akong nakilala sa loob at labas ng seminaryo, mula sa mga sakristan na madalas na mapagbintangan kumukupit sa kolekta, mga youth leaders na lagi nagdadate sa patio, mga manang na kumapal na ang dila sa tsismis at kabeso-beso sa tuwing sign of peace, mga lay ministers na mahilig sa sabong, mga seminaristang, mga madre at pari na may kanya-kanyang bansag. Kung may kamukhang kang madre, todas ka sa libak sa mga kapwa mo seminarista. May tinatawag din na kabayo sa may mga malalaking ari, may mga Mr. Adorable, babalu, o anchorman sa mga mahahaba ang baba, may tayangaw sa hindi naliligo, may baboy, may kambing, may kalabaw, may tinawag na Sandara Park, Claudine Barreto, Chocolate at nang mauso ang mga love teams may ginawa ring mga pair-pair sa seminaryo. Marami rin ang mga tsimis, iskandalo at mga milagrong pinagbabawalan kaming banggitin ang mga pangalan ng santo, parang isang zoo ang seminaryo.
Sa seminaryo ko rin natuklasan ang mga salitang kami-kami lang ang nagkakaintindihan. Nasa unang taon pa lamang ako noon nang marinig ko sa isang guro sa Filipino na ang mga katulad naming seminarista ang isa sa mga grupong nagpapauso at nagpapalaganap ng kakaibang uri ng salita. Labis namin itong ikinagalit dahil kahalintulad daw kami sa mga bakla at militar na may sari-sariling codes. Nandilim ang paningin namin sa sinabing iyon ng titser na isang retiradong guro sa kolehiyo at binasagan naming Terminator dahil muka itong robot kong maglakad at sa pambihirang laki ng mga suso nito na sabi ng isang kaklase ko ay nakita niyang bakal ang bra na gamit ni Maam kung kaya parang hindi ito gumagalaw. Subalit, kahit na umusok ang ilong ng aking mga kaklase sa sinabing ’yon ni Terminator, sa kalauna’y napamahal na rin siya sa amin simula ng magdala na siya ng mga kakanin, balikutsa, cornicks at kending sampalok. Kompleto kami sa araw ng kanyang libing matapos ang tatlong taong pakikilaban sa breast cancer at diabetes. Kami ang nagsilbing mga altar servers at choir. Nandoon din ang mga naging estudyante niya sa kolehiyo na pumuntang may dalang mga ballons at paru-paro na pinakawalan pagkatapos na ipasok si Terminator sa kanyang nitso. Nagbasa rin ng tula ang ilang estudyante niya na puros I love you at I will miss you lamang ang naintidihan ko, maliban na lamang sa mga pigil na luha at dagliang pagkatulala na inakala kong mga ellipsis na madalas kong makita sa mga tula ng kolehiyala.
Nasa ikatlong taon na ako nang pag-aaral ng pilosopiya nang kunin ko ang subject na philosophy of language.Nagsusulat na rin ako noon sa aming newsletter at journal na dalawang beses lamang isang taon kung lumabas. Lagi rin itong delayed dahil wala naman talagang pundo ang seminaryo para dito. Kaunti rin ang nagsusulat na seminarista dahil mas mahilig ang karamihan sa football, basketball o kaya sa bilyar na siyang mga pangunahing recreation sa seminaryo.
Patay na si Terminator ng matanggap ko na tama ang sinabi niyang may sariling salita na nabubuo ang mga seminarista na sa pag-aaral ko ng pilosopiya ng wika ay naging paraan o kapahayagan ng subersyon sa itinadhanang sistema o istruktura. Ikinukubli sa wika ang mga saloobin o pagnanasang bawal magkalaman sapagkat taliwas itong bumabalikwas sa turo ng Katolikong simbahan. Maliban sa labelling o pagbabansag sa tao na parating nasa espirito ng panunudya, may mga codes sa seminaryo na umusbong at bilang bahagi ng komunidad, hindi ako ligtas para sabihing hindi ako nakisalamuha sa mga kaganapang ito.Ginamit ko ang mga salitang ito sa pakikibagay sa mga kapwa seminarista kahit na hindi malinaw sa akin kung ano ang ibig sabihin ng salita. May ilang mga seminaristang madaling magpauso ng mga salitang ito dumaraan din sa proseso ng ebolusyon hanggang sa kusang mamatay o makalimutan na lamang ang mga ito. Subalit ang kamatayan ng isang code ay hindi nangangahulugan ng katapusan. Sa katapusan, may sinisimulan, may umuusbong na panibagong punla, anupat naging seminaryo ito, mula sa Latin na seminarium, kung saan iniimbak ang mga semilya.
Sa mga salitang umusbong at patuloy na namumuo sa seminaryo wala ng hihigit pa sa salitang “Sano”. Maging ang mga matandang pari ay ganito rin ang tawag sa bawat isa. Ito ang tawag sa kapwa-seminaristang pareho mong parokya o kaya distrito. Parang kababayan. Mula ito sa Kastilang salitang “paisano”, na sa paglipas ng panahon ay naging sano na lamang. Kapansin-pansin na ang salita o wika ay nagbabago kahit na sinasabing ito ay korapsyon mula sa orihinal na wika; nangangahulugan na ang salita ay hindi isang patay na kabayo na hinahambulas kundi isang matinik na mikrobyo na patuloy na nabubuhay sa init man o sa lamig at kahit sa mga alanganing espasyo at panahon. Kahit na tinuturuan kaming tawagin at ituring ang bawat isa bilang kapatid o brothers kay Kristo sa ngalan ng aming mga bokasyon, ang “sano” pa rin ang higit na tumitimo sa puso ko. Nag-iiwan ito ng mga alaala sa aking dila hanggang sa ngayon sa tuwing tatawagin ko ang siang kakilala bilang sano. Mas nailalagay nito sa personal at heyograpikal na antas ang relasyon ng pagbubuklod. Parang yinayakap nito ang bawat istranghero na gusto mong kilalaning bilang kapatid. Ito ang unang salitang natutunan ko sa loob ng seminaryo.
Kung meron mang sakit na mas karindi-rindi pa sa mortal na kasalan ay ito ang “Dyigum”, Latinized bersyon ito ng pangalang Diego na sinasabing unang nakitaan ng sakit na ito. Hindi ko na naabutan si Diego sa seminaryo ngunit hanggang sa ngayon, dyigum pa rin ang ginagamit upang tukuyin ang sakit na ito sa balat. Ang “dyigum” ay isang sakit sa balat na madalas makita sa singit. Mas masahol pa raw ito sa buni dahil parang buhay ang mga mikrobyo na tintusok-tusok ang madilim na singit ng biktima. Simula ng mauso ang hiraman ng brief at sabon sa seminaryo, naging isang epidemya ang dyigum. Muntik nang mag-deklara ng state of calamity ang Health chairman namin. Tumaas din ang sales ng salicylic acid at bulak. Naging madalas ang paliligo ng mga seminarista at iniwasan na ang pag-iwan ng sabon sa banyo. Binibitbit na ang mga mga personal na gamit at itinatago sa locker na sa unang bukas mo’y maghahalo-halo ang amoy ng Eskinol, alkampor, Safeguard, Likas Papaya, Perla, Bench, tawas, Rexona, Axe, White Flower, Stopain, Instant Noodles, Magi Seasoning, Karoke, Boy Bawang, Nagaraya, at kung ano-ano pang pagkain at itsiburitsi sa katawan.
Kahit na bihira na lamang gamitin ang Latin sa seminaryo, malaki pa rin ang impluwensya nito sa mga seminarista. Maliban sa misang Litan na idinadaos namin tuwing Miyerkules at sa mga dictums at philosophical principles, hindi naman namin ginagamit ang Latin sa mga ordinaryong usapan at maging sa mga personal na panalangin. Dalawang taon mo ring pag-aaralan ang Latin pagtungtong mo ng pilosophiya. Ngunit sadyang may kakaibang kapangyarihan ang wikang ito, nakakabilib, parang may mistiko itong katangian. Kailangan kahit papano alam mo rin ang tamang pagbigkas ng mga salita nito. Dahil may mga dasal ang simbahan na nasa wikang Latin pa katulad ng Salve Regina na kinakanta namin tuwing Sabado bilang pagdakila sa Mahal na Birhen. Marahil dala ng impluwensya ng Latin kung bakit naging tradisyon namin ang pagpapaikli ng ilang apelyido upang magkaroon ito ng kakaibang tunog. Halimbawa na rito ang apelyidong Borromeo ay ginawang Borx, ang Briguerra, Brix, ang Mojica, Mojics, ang Chavez naging Chax, ang Pervera, Pervs ang Cordero, Cords. Uso ang ganitong penomenon sa seminaryo. Ito ang mga nagbigay daan sa mga bagong katawagan namin sa isa’t isa.
Subalit hindi lamang ito, marami pang salita ang higit na kapana-panabik na pag-aralan at pagmuni-munihan lalong lalo na ang mga bagay na ipinapalagay na bawal para sa mga magpapari. Kabilang dito ang cellphone, babae, relasyon at pagiging bakla at pagbati. May mga katawagan rin sa mga pang-araw-araw na gawain. Ang pagtae na madalas mahaba ang pila tuwing umaga pagkatapos ng almusal ay tinatawag na “Paputok” o kung minsan “Judy Ann” na pinauso ng isang seminaristang may kaibigang bading.
Marami sa mga seminarista ang bading. Maging mga pari at ilang mga obispo. Tinatawag silang mga “V” mula ito sa salitang bakla, bading, baklita. Pwede rin itong isenyas sa pamamagitan ng peace sign na ginamit rin ni Marcos. Ang mga V ang tipong hindi masyadong naglalaro ng basketball at kung sakali man kasama sila sa All Stars Cast, kung saan tinitipon ang mga hindi naglalaro ng bola upang piliting maglaro sa court. Labis itong inaabangan at kung minsan may mga seminaristang nagrereklamo sa tuwing mapapasama sila sa listahan ng All Stars. May nauuwi pa sa suntukan dahil dito. Bakit kailangan gawing katatawanan ang pagiging V? Ang isyu ng pagiging V ay isa sa mga napaka-complex na isyu sa loob ng seminaryo. May mga seminaryong pilit na pinupuksa ito dahil naroon pa rin ang pag-isip na sakit o salot ang pagiging bakla. Dagok ito sa simbahan na itinatatag ni Jesus at ng kanyang mga machong alagad. Subalit, sa kabali ng pagpuksa sa mga V, mayroon pa ring nakakapari at ginagamit ang kahinaang ito bilang bukal ng kanyang kalakasan sa paglingkod sa bayan ng diyos. Wala ring malinaw na patakaran ang lahat ng seminaryo tungkol sa mga V kahit na may mga dokumentong ipinalabas na ang simbahan. Sa amin, tinatanggap sila sa kondisyon na kailangan din nilang tanggapin ang ilang mga krus sa loob ng seminaryo. Madalas silang maging katatawanan ng isang mapakunwaring machong kultura. Malakas ang stereotyping sa seminaryo. Malakas rin ang pagtutol sa mga relasyong homosekswal kahit na mismong ang komunidad ang gumagawa ng pagparis-paris sa ngalan ng katatawanan. Abnormal pa rin ang makipagrelasyon sa kapwa lalaki at mas mainam ang sa babae. Bawal ang fencing. Sa impyerno ang bakla samantalang sa purgatoryo ang mga seminaristang makikipagrelasyon sa babae. May mga seminaristang tinatawag din na “Chickboy”, pwede sa chicks(babae) at sa boy (lalaki). Sila ang mga silahis, ang ABCDE, marami sa kanila ang nasa varsity team ng seminaryo. Sa kabila ng paurong na pag-isip na ito, may mga paring progresibo na rin na parehong binibigyang bigat ang alin man sa relasyon upang palabasin ang isang seminarista. Subalit parang mas napakaraming lamang kung heterosekswal ka kaysa homosekswal ang ’yong oryentasyon. Sa ganitong sitwasyon, nailalagay ang seminaryo at ang simbahan sa sitwasyon na kailangang harapin niya ang isyung ito na matagal ng pumasok sa kanyang kaloob-looban.
Kapansin-pansin din ang mga salitang tumatanggap ng bagong kahulugan upang tukuyin ang babae o chicks. Una rito ang “Scratch” mula ito sa salitang ginagamit sa bilyar kung saan ang bolang pamato (kulay puti) ay nakakalabas sa mesa. Bilang pantukoy sa babae, may suhestiyon ito na ang babae ay maaaring maging dahilan ng pagkahulog ng isang seminarista. Hindi ito malayo sa kaisipan na ang mga babae ay itinuturing pa ring isang tukso. Kung ganon, ang babae ay maihahalintulad sa materyal na kayaman, pag-aari lamang na dapat iwasan, kampon ng kasamaan. Uso na ang ganitong pag-isip simula pa noong panahon ng mga Kastila. Ngunit buhay ang babae sa simbahan. Sila ang mga malapit sa kura. Sila ang naglalaba, nagtitimpla ng kape at kung minsan nagmamasahe pa sa pari. Marami ng kuwento na hindi napagtagumpayan ang tukso na dala ng babae. Marami na ang lumabas dahil sa scratch. Kung iisipin hindi naman pagkahulog ang naging sitwasyon. May mga dating seminaristang mas higit na naging mabuting Kristiyano nang lumabas sa seminaryo. Hindi mababang bokasyon an buhay pag-aasawa. May ibang mga pantukoy din sa babae, ang mga matataba ay tinatawag na “Tsubi” mula sa salitang Chubby. Minsan tinatawag din silang “Tigidig” (mula sa kabayo) upang bigyang senyas ang kapwa seminarista na may babaeng parating na maaring pumukaw sa kanilang atensyon. Babae rin ang ibig sabihin ng salitang “Bulastog” dahil minsang nakakita ang ilang seminarista ng isang kolehiyala na kumakain nito sa isang sidewalk. May mga salitang mismong mga pari ang nagpapauso. “Waki” na may ibig sabihing, mapapalabas na o kaya’y nahuli. Kapag sinabing “drowing” o kaya’y “bulate” ibig sabihin, hindi natuloy. “Batibot” naman ang tawag sa pagbati, na sabi uli ng kaibagan kong Heswita, batibot daw ang habit ng mga diocesan. Ang mga bawal na bisyo tulad ng yosi at sobrang pagtuma naman ay tinawag na “spaghetti”, simula ng mauso ang kwento tungkol sa isang seminaristang nagluto ng spaghetti para sa isang kapwa niya seminarista. Ang cellphone na bawal gamitin sa loob ng seminaryo ng Corpus Christi ay tinatawag na “Mais” dahil sa mabilis na pagpindot nito sa keypad na parang nag-aalis ng mga ngipin ng mais. Hindi naglaon ang paggamit ng mga salitang ito. Madali itong namamatay. Ganun ang sistema sa seminaryo, may mga salitang napapalitan lalong lalo na kapag nalaman na ito ng mga kinauukulan lalong lalo na ng mga formators. Sa tuwing may bagong salita na bibigyan ng kahulugan, lumalaganap ito kahit hindi rin naman batid ng lahat ang kahulugan nito hanggang sa maging malabo na talaga para sa lahat kung ano nga ba ang ibig sabihin ng mga salitang inembento.
Isa na rito ang salitang “Choko” na hindi ko alam kung saan nagmula, basta una ko na lamang itong narinig bilang katawagan sa isang pari namin na weird ang kilos. May mga salitang naiimbento kahit wala namang kuwentong konektado dito. Kusang pagkadulas lamang ng dila kumbaga. Parang ganito nagsimula ang Choko. Hanggang sa ang lahat ay maging choko na rin. Sa ngayon, walang malinaw na depinisyon ang Choko, parang sinasabing kakaiba lamang ang tawong ito, parang ‘yong tipong gusto na ayaw, ‘yong sagot na patango pero ang ibig sabihin ay Hindi. Maraming binansagang Choko sa amin. Naririnig ko pa ito sa mga pagtiripon upang sabihin na may kakaibang kilos ang isang tao. Ngunit malinaw sa mga sumusunod na seminarista na tumutuklas na rin sila ng mga bagong salita upang itagayod ang sriling pag-iral at subersyon sa sistemang nakapalibot sa amin. Tahimik itong subersyon o kaya nama’y pagsasalarawan lamang ng malabong konsepto, ng mga pinaghalo-halong pilosopiya at mga tinuldokan na bagay ng relihiyon na naglalaro sa isip ng mga magpapari, ng mga nagpapakabanal.
Sa kabila ng ilang mga salitang ito na naimbento o kaya’s nilapatan ng bagong kahulugan, nakilala ko ang seminaryo bilang ang puso ng tao. Ang puso ang bukal ng wika at nasa puso ang seminaryo. Dala marahil ng malikot na imahinasyon na pinaiigting pa ng aming sitwasyon kung bakit ipinapanganak ang mga bagong salita ito. Kung titingnan, tama si Terminator, para kaming isang hukbo, isang lehiyon ng isang relihiyon na iniimbak sa isang lugar upang purgahin at gawing mga tapayan ng biyaya ng diyos.
Madali lamang daw ang araw sa seminaryo, pag-patak lamang ang alas dose ng tanghali, bago na itong araw para sa amin. Nakalista ang bawat oras na kailangang sundin, na kalilangan isabuhay. Tatlong beses kaming kumakain isang araw ng pritong isda na tinawag naming “dart” dahil sa tulis ng bibig nito, gulay na sayote na may halong longganisang Instik na puros taba, tuyo at tinapa na mas matigas pa sa semento, dinuguan na may partner na pipinong sinukaan, laing na kulang sa gata pero ubod ng anghang, sinabawan na puros sabaw, maraming-maraming kanin at ang mga malalaking isda sa aming fishpond. Sa bawat araw nakakagawa kami ng halos limapung sign of the cross, nanalangin ng halos higit sa tatlong oras, nag-aaral, naglilinis, natutulog, kumakain na parang mga baboy na pinapalaki. Sa seminaryong ito, panakaw kong natutunan kung ano ang ibig sabihin ng mapag-isa, masaktan at umibig na rin. Tuwing gigising ako ng madaling-araw at isusuot ko ang aking sutana, sinasalubong ako ng maraming mga zombies, paisa-isa silang naglalakad na parang tila hinahabol ang huling bahagi ng kanilang panaginip, papunta sa aming kapilya at doon sabay-sabay naming inuusal ang linya ng salmong “Panginoon, buksan mo ang aming mga bibig. At kami’y magpupuri sa’yo kailanman.”Ganito nagsisimulang mabasag ang katahimikan sa seminaryo. ganito namin binubuksan ang araw sa pag-usal ng mga salita para sa diyos na naging Salita.
November 5, 2006
Baao
-First draft ini, dakulpa ining kulang, sa mga nakaibahan sa seminaryo, tibaad may gusto kamong idugang na punto na pwedeng dai ko man nahiling. bukas ako sa saindong paghiras. An typo salang, sakuya an gabos.---kc
No comments:
Post a Comment