Saturday, July 08, 2006

REBYU NG SANTIGWAR

Buhay ang Musa at Walang Paumanhin ang Makata!

Genevieve L. Asenjo

Kristian Sendon Cordero

Santigwar: Mga Rawitdawit sa Bikol asin Filipino

Naga City: Goldprint Publishing House, 2006.

Nagsisigaw, nagbabala ang tauhang makata ni Kristian S. Cordero mula sa kuwebang-puntod: “Buhay ang musa! Buhay ang musa!” (“Exsultet”). Ito ay pagkatapos siya usigin ng isang tinig doon: “Bakit mo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?” At tinuring siya ng mga kasama na isang hibang.

Isang tinig ang musang ito (“Salita”). Ang Salita mismo na pinag-uusapan sa radyo, telebisyon, o sa pulpito na “sumusugat pa rin tulad ng punglo/tumatama na parang mga ligaw na palaso/at ipinupukol ng bawat kampo.” Ang siyang “sa simula kasama ng Diyos.” Ang Diyos.

Isa ring karanasan ang musang ito, isang presensya na nananahan sa isang amang taga-gawa ng lapida kaya “Bawat lapida ay obra maestra” (“Lapida”); sa isang batang lumaki na may alagang daga sa loob ng kanyang katawan – “Itong daga sa dibdib/ang naging ina ng iba pang daga/sa aking katawan (“Daga”), sa sinumang aalaga ng love birds na mamamangha sa paraan nito sa pag-ibig (“Love Birds”).

Sa panahon ng dekonstruksyon (hal.Da Vinci Code ni Dan Brown) at postmodernismo saan nakapakete bilang isang spectacle, isang caricature, isang bitmap image ng teknolohiya ng kapitalismo ang isang makasaysayang tauhan at pangyayari sa isang hyper at/o simulated na reyalidad (hal. sa isang online role-playing game) walang paumanhin si Cordero sa pagbuhay sa musa, sa Diyos, sa nakaraan. Cliché halimbawa ang pagpalagay sa makata na isang hibang ng kanyang kapwa, ng lipunan. Ang pagbabala, na isa ring sermon (“Babala ng Ibon,” “Bago ang Baha,” “Apokalipsis”), sa isang angat at distansyadong tono: nasa pulpito ang persona.

Kaya isang engkuwentro ang pagbasa ng Santigwar dahil isang pagsusuri, isang rekonstruksyon (na iba sa dekonstruksyon na ang tanging intensyon ay gumutay-gutay; hindi para maghain ng solusyon o/at bagong pagtingin at direksyon) ang ginagawa ni Cordero. Hindi ko lamang muling nakasalubong sina Tomas, Hestas, Cain, at Eba kundi nakita sa kanilang bago at kakaibang sinag, sa kanilang kagila-gilalas na tono, ngunit pamilyar, kaya nakasimpatiya ako. Hindi nasiyahan si Eba sa huling pagniniig nila ng lalaki (“Eba”). Matapos ang pinakahuling tagba ni Cain, bumuhos ang unang bagyo sa mundo (Cain”). Marahil kay Hestas nagsimula na makasalanan ang kaliwa (“Hestas”), at ani Tomas (“Tomas”):

…marahil hindi sakit ang magduda.

Ngunit lalo kong inasam na mahawakan ka,

maramdaman ang kapangyarihang bumubuhay

ng mga patay, nagpapalakad ng pilay,

nagbibigay liwanag sa mga bulag

gamit ang alabok at laway

at nagtataboy ng mga demonyo

papunta sa mga kawawang baboy.

Kaya hindi rin lahat ng mga espasyo sa koleksyon kanais-nais at komfortableng puntahan at tirahan. Ginugulantang tayo upang muling matahak ang nakaligtaan o nagkakalusaw sa mapa ng ating alaala. Ginugulat tayo upang muling makapa, mahapulas ang mga damdaming tinigang ng panahon at distansya. Sa loob ng seminaryo, may magkasintahang ahas na natagpuan (“Seminaryo”). Kakulay ng “talukap ng tahong/parang mga lusaw na bahaghari” ang naghalong tubig-ulan sa grasa ng mga sasakyan (“Bago ang Baha”). Sa paglabas ni Pilato sa balkon, itinanghal ng prokurador si Kristo at naghugas ng kamay ang una habang kaagad pagkatapos ng komunyon, naghuhugas ng kamay ang pari (“Ecce Homo”). May sumpang nawika sa puno ng igos at doon muling dinalaw ng matinding awa si Hudas (“Puno ng Igos”) at “galit ang anak ng may-ari ng azucarera/sa mga paru-paro dahil minsan na itong napuwing/ng pulbos na mula sa kanilang mga pakpak” kaya ngayon nakalagay sa isang kahon tabon ng salamin at nakasabit sa dingding ang mga paru-paro (“Mga Paru-paro sa Azucarera”). Gayundin ang pagkakataong tulad nito:

Kumislap ang mata

ng tumatawid na pusa,

tumama ang kanyang paningin

sa ilawan ng sasakyan:

walang preno.

(“Gabi”)

Nakaengkuwentro ko rin ang pagong (“Pagong”); ang isang ibong dignos na dumapo sa tuyong sanga ng akasya (“Babala ng Ibon”); ang joker sa baraha (“Sa Lamay”); ang sawa at ang bata (“Sawa”), at ang isang kuwaderno saan naitala ang pintig ng pusong hawig sa de-bateryang relo (“Mula sa Isang Kuwaderno”).

Elehiya ang tunog ng koleksyon sa timbreng may pagka-sarkastiko’t nasasalat ko ang grabedad at intensidad ng lungkot, inis, at galit sa ritmo ng mga linya’t talata bagama’t hindi lumuluwa ang mga ito sa pahina. Hindi nakapanlupaypay maliban na lamang sa pagtatanong na rin ng “bakit, at bakit, at bakit, at bakit/dinadala lang natin ang lahat sa pagtulog” (“Kuwentong Bayan”). Kundi nakakapanindig-balahibo tulad ng pagpasailalim sa kapangyarihan ng babaylan sa pagsuko ng sarili sa ritwal ng pagsantigwa.

At nadadala tayo sa ibang dimensyon, bagama’t hindi pa ng kaluwalhatian, kundi ng pagtatanong, ng sariling pagsusuri. Ito ay dahil isa ring pamimilosopo ang Santigwar, isang intrinsic na sangkap sa pagiging mabisa ng mga tula ni Cordero. Memorable halimbawa sa akin ang ganitong paglarawan ng personang anak sa tunog ng sining ng paglikha ng lapida ng kanyang ama:

Parang hawig sa tinig ng butiki

na galing sa pagtibok ng puso

at tigib sa hindik at panghihinayang

dala ng kamatayang kanyang isinasatitik.

(“Lapida”)

Malakas din ang paggamit ni Cordero ng tunggalian at kabalintunaan sa pagpausad ng kanyang pamimilosopo. Sa pagpuna sa patriarkiya ng simbahang Katoliko, sa pagsantigwa rito upang maging mas sensitibo sa pangangailangan ng panahon, inilalad ng personang seminaryo na “ipinalagay nilang – ang babaeng ahas/ang nadisgrasya” (“Seminaryo”) at pinangunahan mismo ng Obispo ang panalangin “at ipinag-utos nito ang masigasig/na paghahanap sa nakatakas na ahas.” Sa huling talata, nakapako ang kabalintunaang nang-aanyaya ng meditasyon sa mambabasa:

Habang sa isang sulok ng altar

nanlilisik ang mata ng ulupong

na natatapakan ng maamong birhen.

(“Seminaryo”)

Sa kabuuan, nahabi, napagtagpo ni Cordero ang sining at pilosopiya sa Santigwar. Kongkreto ang kanyang mga imahen at hindi niya nakaligtaang maging metaforikal sa kanyang pamimilosopo - na siyang dapat kung ang tula ay maging isang tula, higit kaysa isang sermon o propaganda.

Danasin halimbawa itong sipi sa “Kuweba ng Sumaging:”

Kaya iminungkahi mong lumabas na tayo ng kuweba

Hindi ito ang katotohanan.

Kailangang putulin ang pusod

upang patuloy na tumibok ang puso.

Pumayag akong muling luwal ang sarili

at nangakong iibigin ang silahis ng araw.

Bukas-palad ko itong hahayaang tumagos

sa pagitan ng aking mga daliri na parang hinintay

ang paglagas ng mga dahon ng pino.

Kaya walang paumanhin si Cordero. Nakasulat sa Bikol, mga rawitdawit, ang malaking bahagi ng koleksyon. Ang babati sa mambabasa. Mabuti na lang, at wala ring paumanhin, isa akong Miss Philippines. Bagama’t hindi nakakapagsalita at nakakapagsulat ng Bikol, nasundan ko ang mga tulang “Pagkarigos sa Ulan”; “Kansyon nin Bulan sa Panganoron”; “Pagkamundag ni Bakunawa”; “Pulang Signos”; “Henesis” at marami pang iba. Nakilala ko ang pagkakatulad nito sa Kinaray-a, Hiligaynon, Cebuano, Tagalog, nay maging sa Iluko. Lalong pinatunayan ni Cordero ang teorya ng isang kaibigang kritiko, si Isidoro Cruz (awtor ng Cultural Fictions, National Book Awardee para sa Kritika, 2004), na “the regional is national.” Maging si Vim Nadera sa kanyang blurb, ganito ang sinabi:

…Bilang isang taong nabubuhay sa puro post -, siya ay hindi maikukulong sa kasalukuyan sa pagbabalik sa mga bagay na napag-iwanan ng nagmamadaling salinlahi. Dito niya ipinamalas ang kanyang pagiging salamangkero sa paglabas-masok sa mga dimension. Kabilang na dito ang kanyang pinanggalingan. Subalit kahit kaya niyang manatili sa loob ng kanyang buhay – na binabakuran ng kanyang relihiyon at rehiyon –nakuha pa niyang sumanib sa krusada ng patriyotismo, kung hindi man nasyonalismo. Ito halimbawa, ay sa kanyang paggamit hindi lamang ng wikang panlalawigan. Napatunayan niya na ang wikang pambansa ay realidad at posibilidad. At dahil sa kanyang galing sa paggiba ng mga bakod sa pagitan ng personal at politikal, napatunayan niyang ito rin ay isang pangangailangan.

Sa pagbuhay ni Cordero sa musa, sa relihiyon, sa rehiyon, sa nakaraan, pumapagitna ang makata bilang kasalukuyang babaylan. At ang cliché na siya’y isang rebelde’t hibang, nagiging isang pagkamangha. Patungo sa wala nang ibang papupuntahan - mahaba mang panahon ang ating aabutin – sa pagkakamalay at tuluyang pagkagaling bilang komunidad. Kaya tama lang na sumara ang koleksyon sa “Apokalipsis”:

At mula sa kalawakan,

sabay-sabay nilang pupurihin ang dilim

na bumalot sa buong uniberso.

Habang pilit na itinataboy ng mga tao

ang mga gamu-gamong naglipana

Sa kanilang mga ilawan.

Sabihin pang sa pagbasa ko ng koleksyon, naalala ko ang linggong iyon ng Agosto na natagpuan ko ang sarili, sa unang pagkakataon, sa Bicol. Namangha ako’t nangilabot sa kaisipan at damdaming napukaw nito sa akin: Napakaganda ng Bicol sa kanyang kahirapan at kalungkutan na nang bumalik ako ng Manila, gusto kong magmano sa lahat ng matatanda.

No comments: