Saturday, January 31, 2009

PUMAPEL

SINA DARAGANG MAGAYON, KULAKOG, JUAN OSONG
AT ANG ALAMAT NG YOUTUBE
Kristian Sendon Cordero


Maikli lamang ang sasabihin ko ngayong hapon. Naniniwala ako na ang maikling kuwento o maging ang pelikula man, katulad ng iba pang sining ay isang pagtatangka sa mga maaari. Ang lagi’t laging pagdutong sa mga binubuo at winawasak na naratibo ng ating mga mundo ay patuloy na itinataguyod ng posibilidad sapagkat ito ang puso at kaluluwa ng imahinasyon. At ang mga posibilidad na ito ay di kayang saklawin lamang ng ating mga paningin kung kaya naghahanap tayo ng iba pang mapagsisidlan ng ganitong mga posibilidad. Marahil ito ang dahilan ng ating mga imbensyon sa panahong patuloy tayong naghahanap ng mga saysay sa ating mga salaysay.

Dahil hinahangad ng panayam na ito ang pagbibigay sa inyo ng ideya tungkol sa maaaring ikuwento sa pamamagitan ng pelikula, magbibigay ako ng ilang mga puntong nais kong pagmunihan natin, mga puntong batid kong salat sa mga teoryang pang-akademiko.

Simulan natin sa tanong: Binago ba ng pelikula ang moda at istilo ng ating pagkukuwento? O sadyang naangkop lamang ang pagsibol ng bagong estitika sa pagkukuwento dahil na rin sa imbensyon at lumalagong teknolohiya na dala ng pelikula? Wala akong malinaw na sagot dito, ngunit naniniwala ako na may natatanging relasyon ang pagkukuwento sa paggawa ng pelikula, sa parehong dahilan rin kung bakit may relasyon o koneksyon ang pagbabasa at ang panood ng pelikula. Ang pagsulat sa paggawa at ang pagbasa sa panonood. Laging mayroong dayalekto ang relasyon, may tunggalian.

Naniniwala ako na ang dahilan ng pagpili sa akin bilang taga-pagpanayam para sa hapong ito ay dahil na rin sa aking pagiging manunulat at naglalayon kayong makapagsiwalat ako ng mga bagay o material na maaaring maging binhi ng pagsisimula sa mga maaari nating gawin. Alam kong mas higit na nangangailangan ng tao sa paggawa ng pelikula, ang manunulat ay isang bahagi lamang, na ibang-iba naman sa manunulat ng kuwento kung saan maaari siyang maglakbay ng mag-isa, magsulat ng mag-isa. Ngunit marami man ang tao sa likod ng pinilakang tabing o isang tao ang nasa likod ng mga pahinang ating binabasa, ang mga sining na ito ay isang pa ring pagtatangka upang makiisa.

Noong nakaraang Martes, nagbigay din ako ng panayam tungkol sa pribado at pampublikong espasyo at tinukoy ko bilang halimbawa ang plasa at kalsada, kung paano tayo nabubuhay sa panahon ito ng mga billboards at kinalburong monument ni Rizal. Mahalagang banggitin ko uli na sa paghahanap ng kuwento, naroroon din parati ang panawagan ng pribado at ang pangako ng publiko. Sa paghahanap ng mga pribado at pampublikong espasyo na siyang magiging material o tanggupan ng ating mga kuwento, kinakailangan natin ang memorya ng heyograpiya na nagpapalawak at nagpapalalim sa heyograpiya ng ating memorya. Sa madaling sabi, nangungusap sa atin ang lugar, nagsasalita ang mga espasyo, may kuwento at alaala ang heyograpiya at sa atin pwede natin itong tawaging Iriga, Naga, Legazpi, Albay Viejo, Bagamanoc, o Bikol.

At mula sa mga espasyong ito, maaari tayong gumawa ng mga bagong kartograpiya ng pagkilanlan sa ating mga itinataguyod na sarili. Kung kaya lagi’t lagi kong binabalanse ang halaga ng kasaysayan ang at ang paghinog nito sa ating panahon. Ito marahil ang kulang sa atin, ang memorya ng heyograpiya. Kung kaya mahalagang pakatandaan na kung Bikol ang espasyong ninanais mong panahanan, ang ninanais mong maging sisidlan ng iyong kaluluwa, ay maigamot natin ang ating mga sarili sa mga topograpiya, katubigan at kalawakan ng Bikol na patuloy na pinatitingkad at binubuhay ng mga kuwentong katulad nina Daragang Magayon, Kulakog at Juan Osong at mahalagang elemento nito ay ang tataramon, ang salita kung paano ikinukuwento ang kanilang mga salaysay maging sa panahon ng Youtube. Kung mapapansin ganito nabubuhay sa heyograpiya ng memorya ang ating lugar sa pamamagitan ng mga kuwentong narinig, ginawa natin mula sa kailaliman ng lupa, mga magindara sa ating mga lawa, mga mitong patuloy na nagsasalita sa atin.

May nagsasabing gasgas na ang mga kuwentong ito, ngunit sa mga bagong sibol na tenga, ito’y himig pa rin, ito’y kuwento pa rin na patuloy na nagsisilbing mga mahalagang muhon at koneksyon na rin sa ating henerasyon. Mahalaga at makahulugan na ang muling pagdungaw sa mga mitong ito na binabalikan na sa akademya bilang mga mahahalagang bahagi ng ating diskurso. Makahulugan din na sa pagbasa muli ng ating mga mito ay makita natin ang koneksyon nito sa iba pang rehiyon. Pansinin halimbawa na kung si Sinukuan at Makiling ay mga ada ng mga bundok ng Arayat sa Pampanga at Makiling sa Laguna, ang bulkang Mayon ay isang libingan ni Daragang Magayon na pumapasok na sa sensibilidad natin bilang mga bahagi ng Kasamyan o Kabanwa. Ngunit ang mito ni Daragang Magayon ay hindi lamang ang nag-iisang mito na isinasalaysay. Sa mga tula ni Merlina Bobis, higit niya itong pinatingkad sa kanyang mga berso, ang imahe ng bulkan bilang amasona, bilang mandirigma. Mabubuhay giraray si Daragang Magayon, dai na siya magiging bulkan, dai na siya magagadan.

Ipinakita ni Bobis na ang babae ay hindi lamang saksi ng giyera ni Panganoron at Pagtuga, kundi magpapasya, at pipili ng kanyang mangingibig. Maraming bersyon sa mitong ito na kakikitaan ng unibersal na tema, katulad ng tunggaliang mayaman/mahirap dayo at katutubo/ liwanag/ dilim. Ngunit sa ilang bahagi ng Albay, may mga matatanda na tinatawag itong Ma’yong na ginamit naman na pamagat ng inhinyerong manunulat na si Abdon Balde. Mayong dahil hindi kailangang bigyan ng pangalan, mayong dahil sa panahon bigyan ito ng pangalan ay mawawasak ang ganda nito, sapagkat kailangan lamang nating magmasid, tumingin at mabihag sa angking ganda nito. Alin man ang bersyon an paniwalaan at itaguyod natin, lagi’t laging iuugnay tayo nito sa naratibo ng iba pang lugar, ng iba pang kultura.

At katulad ng ari ni Kulakog, lumalaki at lumalaki ang mga elementong di-kapani-paniwala sa mga kuwento upang patuloy itong lumaki, upang patuloy itong tangkilin ng mga mamamayang pinag-uugnay ng kanilang salaysay. Kung kaya maaaring tingnan na ang higanteng si Kulagog ay ang Bernardo Carpio ng mga Taga-Montalban. Ito ang imahe ng higanteng lalaki na maghahanap ng kanyang asawang si Tilmag na namatay dahil na rin sa pagkahulog nang minsang tumawid ito gamit ang titi ni Kulakog. Maririnig ang mga kuwentong ito sa Minalabac kung saan merong mga deposits ng bingkay sa baryong tinatawag rin na Bingkay.Sa Catanduanes may rock formation na tinatawag na buto ni Kualakog dahil may paniniwalang ginagamit ni Tilmag na tulay ang kanyang titi upang tawirin ang Albay Gulf kung saan kumukuha siya ng apoy mula sa bulkan ng Apoy, ang Mayon. Kung gagawin itong pelikula, hindi yata ito lulusot sa MTRCB dahil macecensor sa tulay pa lang na gagamitin. Ngunit bilang teksto, maaring basahin ito at gawan ng pag-aangkop sa mga naratibong ating binubuo at kinakaharap. Narinig kong ginagamit na patakot si Kulakog sa mga batang babae upang umuwi ito ng maaga sapagkat naghahanap pa rin ito ng kanyang bagong mapapangasawa simula ng mamatay ang kanyang asawang si Tilmag dahil nahulog ito sa dagat/tubig nang aksidente nitong malaglag ang kanyang dalang apoy sa ari ng higanteng asawa. Sa baryo ng Bingkay sa Minalabac, pinaniniwalaan na may yapak si Kulakog at ang bingkay na natipon ay ang mga kinain ng higante nang minsang mahinto ito sa kanilang baryo upang magpahinga. At ang bingkay ay sinasabing mabisang Viagra.

Kabilang sa mga mitong ito na maaaring magbigay sa atin ng mga pantayong pananaw o mga lubid ng ideya, makikita natin ang karakter ni Juan Osong na isang ring popular na kwentong bayan sa atin. Ngunit marami ring ganitong karakter na binuhay ng mga mitolohiya at panitikan na siyang nagbibigay sa atin ng koneksyon sa magkabilaang panahon man o magkabilang mundo. Si Odesyus ng mga Griyego, si Sancho ng Don Quixote, si Pilandok at si Juan Tamad, may mga ginagawa nang pag-aaral sa mga naratibong ito, at mahalagang ang mga taong tatao sa pelikula ay may sapat na kaalaman ditto upang maiwasan ang malawakang importasyon at imitasyon lamang. Na tila bagang lumalabas na ang atin ay puros appropriation o pakikibagay lamang. Sa puntong ito, lumalabas ang pulitika ko nang paghahanap at paghuhukay sa ating arkibo, sa ating mga kamalayan. May paniniwala ako na sa mga kuwento ng pagtatagpo ng dayo at ng katutubo, si Juan Osong ang karakter na kanilang nahanap, siya ang bumida, ang pilosopo, ang baliw, ang Pilosopo Tasyo ng lahat ng panahon, kung saan tinanong ng Kastila ang pangalan ng lugar subalit laging ipinapakita ang di-pagkakaunawaan na para bagang ipinagpapalagay na mangmang ang kanyang kausap dahil sa halip na sagutin kung ano ang pangalan ng lugar ay tinukoy nito ang kanyang bitbit o ang kanyang dala-dala. At mula noon, ito na ang tawag sa nasabing lugar. Ito ang mga alamat na ating maririnig, kung hindi man dahil hindi kayang bigkasin ng dayo ang isang letra kung kaya napapanitili na sa ganitong pangalan nakikilala ang mga heyograpiya, ang mga lugar natin. Maaari kayang naintindihan rin ng katutubo ang tanong ng istranghero ngunit sinadya niyang hindi sabihin ang pangalan ng lugar, Ma’yong. Iniligaw niya ang dayo upang hindi nito ganap na masakop ang mga katutubo. Mayaman ang tekstong ito para magbukas sa atin ng mga kuwento. Iiwanan ko muna itong bukas.

May mga ismo nang tawag sa ganitong pagbasa, lalo’t higit pang nasa akademya ako, ngunit hindi ito ang kumukondisyon sa akin. Bilang manunulat naroon ako sa posisyon nang pag-mamatyag, kan odok na paghiling sa mga bagay-bagay sa sakuyang palibot.

An sining ay laging pagtingin, at hindi lamang ito nakakulong sa ugat n gating mga mata, hindi lamang ito isang prosesong pangkatawan, kundi isang paraan ng isip, ng kaluluwa ng tao. To see is a powerful act. Tingnan ang mga nakakabatong titig ni Medusa, ang ritwal ng pagduklit ng mata ni Oedipus. Ang kuwento at ang pelikula ay nangangailangan ng pagtingin na hindi lamang kinukundisyon ng kasalukuyan kundi may kaya itong igpawan na panahon, na sa mga bundok ay makikita nito ang dalagang nakahiga, ang puyos ng kalikasan, ang puyo ng mundo, na may buhay sa kalawakan at umiinog ito sa harapan ng tao.

Dahil may nabanggit na Alamat ng Youtube sa aking papel, nais ko kayong ibalik sa isang alamat, at ito ang alamat ng pinya, kung saan isinumpa ang isang bata ng kanyang ina na magkaroon ng maraming mata dahil ginamit lamang nito ang kanyang bibig sa paghahanap. Malinaw ang leksyon dito: Hindi nakakakita ang bibig at mata lamang ang kinakailang gamitin. Ispesipikong gamit sa ispesipikong bahagi. Ngunit dahil ito’y isang alamat maaari nating tingnan pa ito sa iba pang anggolo. Ano kaya ang mangyayari kung kinailangan ng bibig at mata ang ginamit, anong magiging prutas o hayop ang lalabas sa ending? Pero hindi yan ang punto ko. Ang pinya na siyang nagging hantungan ni Pina ay simbolismo ng maraming mata, ngunit hindi rin nakakakita sapagkat ang pagtingin ay hindi lamang isang pang-ulong proseso, sa kahilingan ng pagkakaroon ng maraming mata, nawala naman ang iba pang bahagi ng katawan. Ang alamat ng Youtube ay ang karugtong ng alamat ng pinya. Nabubuhay tayo sa panahon na ang dami-dami nating nakikita at maaaring kita pero wala naman tayong nakikita na, sabihin ko pang sa edad na ito, ang nakikita na lamang natin, maging tayong mga nasa arte at kultura ay kung paano kikita ang ating nakita.

(Binasa an papel na ini sa DALAN: First Bikol Film Festival puon Enero 29-31, 2009 na ginibo sa Ateneo de Naga University asin an okasyon hinimo sa paagi kan National Commission for Culture and the Arts asin kan Department of Media Studies, Department of Digital Arts and Animations buda Department of Literature and Languages kan Ateneo de Naga University)

No comments: