Tuesday, February 15, 2005

EBA

Hindi siya nasiyahan sa huling
pagniniig nila ng lalaki

pakiwari niya’y may ibang laman
ang kanyang isip:

pagsisisi kaya o paninisi

hindi niya pa rin matiyak
sa kanyang sarili.

Kinaumagahan,
may kung anong biglang kumirot
sa bahaging kaliwa ng kanyang suso

at biglang sumagi sa kanya ng isip
ang dalawang niyang anak na lalaki.

Maliban sa kanila
nagbubuntis ang kanyang isip
ng magkakambal na takot at pag-aalinlangan.

Bago mag-takipsilim
naalala niya ang una niyang panaginip
matapos ang una nilang pagtatalik ng lalaki

muli siya nagbalik sa pinagmulan
sa daigdig ng katiwasayan at kaluwalhatian

ngunit sinasalubong siya ng maraming tanong
at sa panahong lumilingon siya sa dating paraiso
nagiging batong asin ang kanyang puso.

Wednesday, February 09, 2005

Kamalayan at Kasaysayan

Nasa panahon tayo ng paglimot. Walang kamalayan na maaring mag-ugnay sa ating mga panahon. At ang pinakamasakit dito, wala tayong malay sa nangyayaring kawalan ng kamalayan. Maaari nating tukuyin ang ilan sa mga dahilan kung bakit ganito ang nangyayari sa panahon natin ngayon. Ngunit bigyan linaw muna natin ang halaga ng kamalayan sa kasaysayan. Sapagkat, para sa akin, ang kamalayan ang siyang imbakan ng kasaysayan.

Subukin ninyong isipin ang ganito. Isang umaga, habang naglalakad kayo papuntang eskwelahan ay bigla na ka na lamang na binunggo ng isang traysikel, tinamaan ka at nabagok ang ‘yong ulo, nawalan ng malay, hindi mo na alam ang iba pang nagyari, para isang napakahabang araw-gabi, ang tagpong itong nangyari lamang sa loob ng ilang minuto. Nagising kang pinapaligiran ng mga taong nakamaang at nagmamasid sa’yo. Pero wala kang matandaan at wala kang makilala. Muli ka ngang nagising ngunit wala ka nang malay sa kung ano, paano, at bakit sa mga panahong ito ganito ang kinasasadlakan mo. Magiging isang malaking bugtong ang buhay. Tanging ilang I.D. mo na lamang at ang mga nababahalang mukha ng mga taong nagpapakilalang mga kaanak mo, ang maaring magdugtong sa isang pangyayari, hindi mo tiyak kung ano ang mangyayari. At ang pinakamasalimoot na bagay dito ay ang hindi mo na rin makilala ang sarili mo. Tiyak na magiging isang malaking dagok ito sa’yo at sa mga kaanak mo. Maituturing na rin itong isang kamatayan.

Mahalaga ang kamalayan. Kung ano ako ngayon ay dahil ito sa pira-pirasong mga pangyayaring pinagtagpo-tagpo at tagpi-tagpi upang buuin ang isang tulad ko. Ako ay ang aking kamalayan. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon tayo ng mga ugnayan, ng relasyon, ng pag-iisang saloobin at damdamin. Kung walang kamalayan, hindi tayo makakapanday ng isang kasaysayan. Sa panahong katulad nito na ang lahat ay maaring daanin sa pindot, oo nga’t mas napapaiksi ang oras, napapabilis ang daloy ng mga mensahe, subalit, bakit sa bilis ng mga pangyayari at asenso sa teknolohiya ay ganundin kabilis ang ating pagtatangkang lumimot sa nakaraan.

Kelangan pa bang i-memorize yan? Marahil narinig n’yo na ito sa radyo. Bakit may kati tayong hindi makakamot pagdating sa kasaysayan? Bakit may mga gurong nabibighani sa mga mag-aaral at nakakapagsabi na ang isang mag-aaral ay magaling sa history, kung magaling siyang mag-memorize? Halimbawa, alam niya kung kelan ipinanganak si Rizal, si Bonifacio at si Luna? At mas lalong bibilib marahil ang titser kung pati araw ng kanilang pagtuli ay masasabi. Ang mga ganitong pananaw ang nagpapababaw sa kasaysayan. Babaw na ang ibig sabihin, nakakapababa ng antas o interes sa mga mag-aaral. Bakit kapag tinanong ka kung ano ba ang halaga ng pangyayari ‘to, ang sagot mo malay ko, anong paki ko? Bakit sa kabila ng katotohanang buhay tayo, wala naman tayong malay sa kamalayan? Ang kamalayan ay hindi lamang nakatuon sa pagsasaulo ng mga petsa, lugar, pangalang hindi mo maibigkas at iba pang nakakasawang detalye. Ang kamalayan, katulad ng kasaysayan ay parang isang salaming lumilikom ng liwanag at buong imahe ng ating pagkatao. Ang maling pananaw tungkol sa kamalayan ay nagdudulot nagbaluktot na pagtingin sa kasaysayan bilang isang uri ng disiplina, bilang isang instrumento ng ating sariling kalinangan. Katulad ng kamalayan, ang kasaysayan ay hindi lamang pagtuturo ng mga kahindik-hindik at kagila-gilalas na pangyayari. Ang kasaysayan ay isang daan, paraan upang tingnan ng mga tao ang kanilang sarili. Ang lumingon sa pinanggalingan, upang matanto kung dapat pa bang ituloy o itigil na ang paglalakbay at tumuklas ng mga bagong landas. Sa ganitong paraan na rin nagkakaroon ng mas mahalagang saysay ang kasaysayan. Ika nga ni Ambeth Ocampo: If memory gives us our individual identities, then history will contribute to a national identity. History gives us a way of looking at the world and dealing with its problems. History contributes to our being Filipino, whatever that is.
Ginamit ni Jose Rizal ang kasaysayan upang maibsan ang pangungulila sa sariling pagkakilanlan. Tinangka niyang hubugin ang sinaunang panahon bago pa man dumating ang mga mananakop. Binigyan niya ang mga ninuno natin ng dahilan upang muling magbalik sa nakaraan. Sa yugtong ito, ang kasaysayan ay masasabing taga-pagpanday ng ating kaluluwa at manlilikha ng isinasantabing konsensya ng bayan.