Tuesday, July 19, 2005

KUWEBA NG SUMAGING

Sumasagi sa isip ko ang ilang mga bagay
tungkol sa atin habang papasok tayo
sa loob ng kuweba ng Sumaging.

Ikinikintal ko ang ilang mga pagmuni-muni
sa talas ng mga batong kinakapitan natin
pababa sa pinakamalalim na bahagi ng kuweba.

Walang mga paniking maaaring gumambala.

Habang lumalamig at lumalakas ang bulong
ng tubig natitiyak ko sa mga sandaling iyon
na ang kuweba’y isang sinapupunan.

Ito ang una nating kanlungan.
Dito nagsimula ang dahilan ng pagkupkop.

Ipinagpalagay ko na matagal tayong nilikom ng dilim
at tinuruang maglaro ng mga dapog na hugis mga elepante,
pagong, kandila at ilang maseselang bahagi ng katawan.

Ito ang una nating mga laruan.
Dito sumibol ang labis na galak.

Ngunit katulad ng alegorya ng Griyegong pilosopo
Napagod tayo sa pakikipaglaro sa ating mga anino.

Hindi dapat nakikita ang anino sa dilim.

Kaya iminungkahi mong lumabas na tayo ng kuweba
Hindi ito ang katotohanan.

Kailangang putulin ang pusod
upang patuloy na tumibok ang puso.

Pumayag akong muling iluwal ang sarili
at nangakong iibigin ang silahis ng araw.

Bukas-palad ko itong hahayaang tumagos
sa pagitan ng aking daliri na parang hinihintay
ang paglagas ng mga dahon ng pino.

Para Kay Eric Lagdameo

No comments: