Saturday, July 30, 2005
BAGONG TULA
EXSULTET
Matapos ang panggagahasa
at pagpako sa musa ng pagtula
muling dinalaw ng nag-aatubiling makata
ang libingan ng kanyang diyos.
Bitbit niya ang ilang garapong
punó ng tinipon na samyo at mga kordon ng salita.
Hindi ko maaring lunukin ang aking dila,
pabulong na sabi ng makata sa sarili.
Nang malapit na siya sa libingan
natanaw niya ang nakaiwang na bato.
Agad na pumasok sa loob ng libingan ang makata
ngunit hindi niya nakita ang bangkay ng musa
sa halip, bumungad sa kanya ang isang blangkong papel.
Nabalintunaan ang makata sa nakita
at narinig niya ang isang tinig:
Bakit mo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?
Kaya lumabas ang makata sa kuwebang-puntod
at nagsisigaw sa daan:
Buhay ang musa! Buhay ang musa!
At nang marinig ito ng kapwa niya mga alagad
ipinagpalagay nilang nahihibang na ang kanilang kasama.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment