Walang ibang ginawa si Ma’am kundi
ang utusan kaming magtanim ng kamote.
Araw-araw para kaming gumagawa
ng mga nitso, doon namin itinatanim
ang mga wakag ng kamoteng
aming pinutol-putol, at pagkatapos,
umiigib kami ng tubig sa ilog upang
ipandilig sa mga alagang pananim.
Hanggang sa bigla lumaki at gumapang
ang mga sanga ng kamote papunta
sa kinakalawang naming plagpul
naabot pati ang namuti naming bandila.
Gusto sana naming bunutin ang mga kamote:
kaya lang pinagalitan lang kami ni Ma’am
huwag daw naming pakikialaman
dahil sayang ‘yung pagod at oras
at ang lamang-ugat na maari naming
anihin pagdating ng panahon.
Kaya pinabayaan lang namin na gumapang
ang kamote hanggang sa makapasok
na ang mga ito sa loob ng silid-aralan namin,
mas lalong bumilis ang paglaki ng mga kamote
lumaki ang mga wakag nito at nakarating
sa mesa nin Ma’am na may mga larawan
ng anak niya, at pagkatapos gumapang ito
papunta sa mga larawan ni Rizal at Bonifacio
pati sa Diyos na araw-araw naming pinagdadasalan,
pati sa mga sirang upuan namin,
mga aklat na pinagpapasa-pasahan namin
(isa sa tatlong mag-aaral)
papunta sa mga bintana namin na kumapal
na ang alikabok na dumikit, pati sa sahig namin
na araw-araw naming binubunot, nililinis
(lalo na kung may superbaysor na darating)
hanggang sa gumapang ang mga wakag ng kamote
papunta sa aming mga ulo.
Para kaming sinasakal, hindi kami makagalaw
Walang makita, di makabasa at di makasulat.
At nang maisipan ni Ma’am na kutkutin
ang mga lamang-ugat ng kamote,
hinukay nang hinukay ng titser namin
ang aming mga ulo, isa-isa kami,
depende sa apelyido.
Naghukay nang naghukay si Ma’am,
naghanap ng kamote sa loob ng ulo namin
ipapakain niya raw kasi sa bagong dating
na superintendent na nagbisita sa amin,
kaya lang, puros bulok na kamote ang
naani ni Ma’am.
Kaya ngayon, nagtitiis kami sa sakit
ng palo at hapdi ng mura ni Ma’am
na natanggap namin sunod-sunod.
No comments:
Post a Comment